NABALIW
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Mayo 10, 2011
I
Nagpakupkup ako sa aking isipan,
At ako ay dinala niya sa isang kawalan.
Bawat bagay ay hindi ko naramdaman,
Maging ang pagdating nitong kabiguan.
II
Hinayaan kong buhay ko ay kanyang dalhin,
At ang lahat sa akin ay kanyang kupkupin.
Batid kong ligaya ang sasapitin,
Nang diwa kong sa isipan ay nagpaangkin.
III
Simula ng ako ay natutong mag-isip,
Ang lungkot ay malimit kong masilip.
Ang ligaya sa akin ay isang iglip,
Lumilisan at bihira kong mahagip.
IV
Minabuti kong isipan ko ay hayaan,
Gawin niya ang ano mang maibigan.
Bagamat sarili ko ay hindi ko maunawaan,
Diwa ko ay panatag sa kinasadlakan.
V
Sakit ng kalooban ay aking natakasan,
Sapagkat diwa ko ay nanalig sa aking isipan.
Damdamin ko ay walang nararamdaman,
Isipan ko ay lumihis sa katotohanan.
VI
Pabulong-bulong ako sa hangin,
Binibilang ko ang kislap ng bituin.
Yaring buwan ay kaya kong sungkitin,
Wala akong hindi kayang abutin.
VII
Lumipad ako sa ibabaw ng ulap,
Dinama ko ang lamig sa alapaap.
Ang lahat sa akin ay maaaring maganap,
Sa isipang walang diwa lahat ay natatanggap.
VIII
Nakasanayan kong diwa ay huwag mag-isip,
Kaya katotohanan ay hindi ko na makipkip.
Pawang kabulaan yaring nasa isip,
Nalimot ko ang lahat at hindi ko na masilip.
IX
Kinahantungan ko ay pagkalimot,
At sa katotohanan ako ay napoot.
Diwa kong hindi nag-isip ay nagdulot,
Kahibangan sa pagkatao ko ay bumalot.
X
Ngayon sa landas ko ako ay naligaw,
Isipan kong walang diwa ay nagpahataw-hataw.
Tuluyan na nga akong hindi makagalaw,
At tanging alapaap ang aking natatanaw.
Comments