NAHIMLAY NA PUSO
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Disyembre 1991
I
Nahihirapan akong ikaw ay mahalin,
Sapagkat ipinagkait mo ang ikaw ay ibigin.
Ang lahat ng bagay ay aking inihain,
Tinanggihan mo at halos sumpain.
II
Umaapaw sa luha yaring aking puso,
Maaaring bukas ang pag-ibig ko ay maglaho.
Napapagod ang puso kung laging bigo,
At ito ay daan upang ako ay lumayo.
III
Nawa ay sabihin kung ano ang dahilan,
Sisikapin kung ito ay maintindihan.
Kung ako man ay may nagawang kasalanan,
Sapat ba ito upang ako ay iyong pahirapan?
IV
Kung inaakala mong ikaw ay tama,
Igagalang ko ang iyong paniniwala.
Ikot ng mundo mo ay ikaw ang bahala,
Panindigan mo sa harap ni Bathala.
V
Susunod ako sa iyong kalooban,
Pintig ng puso ko ay hindi na ipaglalaban.
Ititigil ko na ang aking kahibangan,
Ang mahalin ka pala ay isang kabaliwan.
VI
Sa langit ko itutuloy itong pagsuyo,
Marahil doon pag-ibig ko ay mapagtatanto.
Kung sakali man ako ay muling mabigo,
Isusumpa ko ang muli nating pagtatagpo.
VII
Maligaya ka ba sa aking paglisan?
Sana ay ikalungkot kahit panandalian.
Marahil ay sadyang hindi ka nasasaktan,
Ang pagkawala ko ay iyong kasiyahan.
VIII
Sa paglisan ko sa iyong buhay,
Pag-big pa rin ang sa iyo ay iaalay.
Magsaya ka na at ako ay mawawalay,
Dala ko ang alaalang sa puso ay pumatay.
Commenti