NAIINTINDIHAN KO
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Disyembre 3, 2001
I
Nagbabago ang lahat-lahat,
Walang nagbalik kung saan nagbuhat.
Mabibigla ka na lamang at magugulat,
Nalimot mo na kung saan ka unang namulat.
II
Mahirap ipaliwanag ang lahat ng bagay,
Pangakong binitiwan ay hindi rin kayang ibigay.
Kahit na ang pag-ibig na sa iyo ay inialay,
Huwag mong pagka asahan panghabang buhay.
III
Ang tao ay walang pinanghahawakan,
Ang takbo ng buhay, huwag mong pagka asahan.
Maging ang damdamin ay 'di mo kayang husgahan,
Nagbabago ang lahat hanggang sa hantungan.
IV
Kaya nga tinanggap ko na ang lahat ng bagay,
Naiintindihan ko rin kung ako ay walang karamay.
Ganyan lang naman ang takbo ng buhay,
Minsan may kaagapay at minsan ay walang dadamay.
V
Totoong masakit ang masaktan,
Lalo na kung ang puso ang masusugatan.
Pero ganyan lang talaga ang lahat ng iyan,
Kaya nga iniintindi ko ang dapat maintindihan.
VI
Walang sa damdamin ko ay makakasugat,
Tanggap kong lahat ang sa tao ay nagbuhat.
Masakit man ang inialay ninyong lahat,
Inintindi ko kahit sa puso ay nagdulot ng lamat.
Comments