NAKARAAN AY BUKAS
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Pebrero 5, 2007
I
Balikan at alalahanin ang ating lumipas,
Pagsinta nating kay tamis na hindi kumukupas.
Bagyo man ang sa puso natin ay inihampas,
Hindi tayo patatangay magpahanggang wakas.
II
Tamis ng pag-ibig ay sa iyo ko inilaan,
Kahit sa panagip puso mo ay hindi ko susugatan.
Pagmamahal na wagas ay iyong makakamtan,
Ikaw ang nag-iisa kong tanging kayamanan.
III
Sa hirap ng buhay na ating pinagdaanan,
Hindi naging madali pagsintang pinaglaban.
Kaya hindi hahayaang pag-irog ko ay lumisan,
Ang sinimulan ay dadalhin hanggang katapusan.
IV
Lagi kong tatanawin ang ating nakaraan,
At bawat nakalipas ay babalik-balikan.
Upang mapatatag ang tibay ng pagmamahalan,
Damhin ang dusa at hirap na ating nilakaran.
V
Kung ang kamatayan man sa atin ay sumapit,
Pagmamahal ko sa iyo ay dadalhin sa langit.
Kung ang buhay man sa akin ay muling lalapit,
Yaring pag-ibig ko sa iyo ay muling ikakapit.
VI
Nakaraan ay bukas na ating hinaharap,
Ang bawat lumipas pinagmulan ng pangarap.
Hindi natin alintana ang dusa at hirap,
Pagmamahalan natin ay tunay na paglingap.
Comments