top of page
Search

NAKAUKIT

  • Writer: Crisanta N. Cardeño-Reyes
    Crisanta N. Cardeño-Reyes
  • Sep 8, 2020
  • 2 min read

Crisanta N. Cardeño-Reyes

Pebrero 5, 2008

I

Sa aking diwa larawan mo ay nakaukit,

At sa puso ko pangalan mo ay binabanggit.

Ikaw ang pag-ibig na sa puso ay nakahihigit,

Ikaw ay idinalangin, ibinulong sa langit.

II

Aking pinangarap na ikaw ay makasama,

Iginuhit ko sa palad ang bawat kong pasya.

Ngunit hindi ko akalain na ako ay mag-iisa,

Ikaw ay lumisan at sa akin ay hindi nakiisa.

III

Ako ay nakipaglaro sa ihip ng hangin,

Pagsapit ng dilim binibilang ko ay bituin.

Puso ay tinuruan unawain ang damdamin,

Sarili ay iginulong dito sa buhangin.

IV

Kay hirap supilin ang tadhanang mapagbiro,

Sa dibdib ko ay kapalaran ang naglalaro.

Bagamat masakit ang bawat kong pagkabigo,

Sa pusong nagmamahal ligaya ay natamo.

V

Ang hapdi nitong puso ay madaling tanggapin,

Ngunit ang paglayo mo ay kay hirap isipin.

Patak ng luha sa mata ay hindi kayang pigilin,

Ang sigaw ng damdamin o kay hirap supilin.

VI

Nadaramang lungkot kay hirap isalarawan,

Dumurog sa puso ko at gumulo sa isipan.

Masdan ang mata kong sa hinagpis ay luhaan,

Ang iyong paglisan sa akin ay kasawian.

VII

Bagamat ikaw ay hindi ko na nasilayan,

Sa puso ko ay nananahan ang iyong katauhan.

Hanggat may hininga ay hindi kita tatalikdan,

Maging sa alaala ay hindi kita kalilimutan.

VIII

Pag-ibig ko sa iyo ay hindi mapaparam,

Kahit na puso ko sa iyo ay nagdaramdam.

Bagamat ang paglisan mo ay hindi ipinaalam,

Puso at isipan ko sa iyo ay hindi nasuklam.

IX

Pakinggan mo aking sinta ang ihip ng hangin,

Malayo ka man pag-ibig ko ay iyong damhin.

Magpapatuloy akong sa Diyos ay mananalangin,

Tamis ng aking pag-ibig sa dibdib mo ay ihain.

X

Sadya nga bang itong puso kapag nagmamahal,

Walang mali na sa dibdib ay ipagbabawal.

Kahit ituring ang damdamin na isang hangal,

Kapag umiibig ang lahat ay kinararangal.

XI

Ikaw ang unang sa puso ko ay bumihag,

Sa bawat araw pag-ibig mo sa akin ay bumulag.

Sa hindi alintanang damdamin mong inihayag,

Puso ko ay umibig sa pagsinta ay nabagabag.

XII

Unang pag-ibig kailan man ay hindi natatapos,

Ang damdamin ng puso ay hindi nalalaos.

Bagamat may dusa sa dibdib na gumagalos,

Pangalang nakaukit sa puso ay humahaplos.


 
 
 

Recent Posts

See All
SANA MAY BUKAS PA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Setyembre 1990 I Maraming katanungan ang nasa aking puso, Ang pagdapo ng pag-ibig ay hindi ko matanto. Sa...

 
 
SANA AY IKAW NA NGA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Pebrero 1990 I Sabi nila ako daw ay isang hangal, Dahil hindi daw ako marunong magmahal. Hindi nila alam ang...

 
 
AKING AMA AT INA

Crisanta N. Cardeño-Reyes 2007 I Sa simula nitong buhay, kayo ay kaagapay. Sa dusa at hinagpis ko kayo ay karamay. Ako ay inangat sa...

 
 

Commentaires


bottom of page