NANG DAHIL SA PAG-IBIG
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Hulyo 1990
I
Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay,
Siya rin ang nagbigay sa atin ng buhay.
Hindi niya hinayaan na tayo ay mamatay,
Kaya dugo niya ang kanyang inialay.
II
Maraming dahilan kung bakit nilikha,
Lahat ng bagay sa langit at sa lupa.
Ginawa niya ang lahat ay maging malaya,
Upang ang bawat isa ay makaunawa.
III
Ang lahat ng nilikha ay may kabuluhan,
Kahit munti ay mayroong katuturan.
Bawat isa ay mayroong kahalagahan,
Sa Diyan nagsimula itong kalayaan.
IV
Mundo ay mayroong bahid ng kasalanan,
Na nagmula pa kay Eva at kay Adan.
Dito nagsimula ang kaparusahan,
Nang Diyos sa taong mga hindi huwaran.
V
Sadya ngang ang tao ay naging malupit,
Hindi na pinapansin Diyos sa langit.
Kapatid sa kapatid ay nilalait,
Sapagkat kayamanan ay ibig makamit.
VI
Ang tao nga naman kapag nasasaktan,
Humaharap sa Diyos at lumalaban.
Ginagawa niya ay hindi makatarungan,
Sapagkat ang Diyos ay sinusumbatan.
VII
Naging malupit man ang kanyang nilikha,
Hindi nagbago ang kanyang pagtitiwala.
Pag-ibig pa rin ang kanyang iniadya,
Ganyan siya kung magmahal ay dakila.
VIII
Sadya ngang ang Diyos ay makatarungan,
Inialay pa niya itong kaligtasan.
Sapagkat ang hangad niya ay isang kalayaan,
Upang ihandog sa mga makasalanan.
Comments