NANGINGILALA
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Disyembre 22, 2009
I
Ang kaba ng dibdib ay isang batingaw,
Na sa aking pag-iisip ay laging humihiyaw.
Hindi ko maawat ang kilos ko at galaw,
Nanginginig sa tuwing kayo ay natatanaw.
II
Ang tanging dahilan ng bawat kong kaba,
Ay itong pagkabigla sa una nating pagsasama.
Ako ay iniwan ninyong sa dagat ay nag-iisa,
Nang kayo ay nagising ako ay inyong kinuha.
III
O kay tagal ko kayong sa isipan ay binuhay,
Binuo sa damdamin, pag-ibig ang nananalaytay.
Bagamat sa dibdib ninyo ako ay hindi inalalay,
Kayo ay iningatan ng puso kong tinataglay.
IV
Sa bawat araw na kayo ay wala,
Pinupunan ng pagmumuni-muni yaring diwa.
Kahit sabihin pang ako ay sa hangin pinaubaya,
Kayo ay iningatan at hiniling kay Bathala.
V
Kay tagal naman ng inyong pagkawala,
Bumalik kang marunong na akong mamangka.
Saan ba kayo nanggaling at ako ay pinaubaya?
Sa alon ng tubig buhay ko ay nagwala.
VI
Hindi maisalarawan ang dusa kong naranasan,
Kahit ipaunawa ito ay hindi ninyo maiintindihan.
Ang hirap ng buhay ay aking nakayanan,
Ngunit hindi ang sakit ng pusong nasa kasawian.
VII
Aking inisip na ako ay walang karapatan,
Paratangan kayo sa ginawang kapabayaan.
Sapagkat ang dapat kayo ay pasalamatan,
Sa hininga kong tinataglay ay kayo ang dahilan.
VIII
Batid kong kayo ay may magandang katwiran,
Na sa inaakala ninyo, ito'y sa aking kapakanan.
Hindi ninyo naisip ang isang kawalan,
Na magdudulot sa akin ng isang kabiguan.
IX
Ako ay pagmasdan sa aking kaanyuan,
Mapungay kong mata ay inyong titigan.
Lambing ng mukha ko ay inyong hawakan,
At ang lungkot ko ay inyong damayan.
X
Mahigpit na yakap sa akin ay ibigay,
Upang malunasan ang kaba kong tinataglay.
Hindi magtatagal tayo ay magkakapit kamay,
Sapagkat may iisang dugong nananalaytay.
Comentarios