NGITI NG PUSO
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Abril 1992
I
Ako ay likas na sadyang mapagbiro,
Ibig kong humalakhak kahit ako ay bigo.
Ito lamang ang kaligayahan ng puso,
Upang ang kapighatian ay hindi ko mapagtanto.
II
Ayaw kong masaktan kahit na panandalian,
Kaya ang kalungkutan ay aking tinatakasan.
Ngunit hindi kailan man yaring katotohanan,
Ang aking ngiti ay panlabas na kaanyuan.
III
Kung bubuksan mo yaring aking puso,
Makikita mo ay sugat na nagdurugo.
Umiiyak at nananangis sa pagkabigo,
Wari bang ang tadhana sa akin ay nagbiro.
IV
Kung ang mata ko man ay hindi lumuluha,
At yaring kalungkutan ay wala sa mukha.
Nasa likod ng salamin patak ng luha,
Nakatago sa puso ang malungkot na mukha.
V
Ang lahat ng bagay ay aking kinasaya,
Kalungkutan man ay aking kinaliligaya.
Ibig kong ngumiti at sa mundo ay tumawa,
Kahit na mabigat ang krus kong dala-dala.
VI
Itong ngiti ko ay kahulugan ng pagtanggap,
Sa ano mang bagay ay handa akong humarap.
Sirain man nito ang lahat kong pangarap,
Heto ang ngiti ng puso kong lumilingap.
Comments