NOON NGAYON AT BUKAS
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Mayo 1990
I
Batang isipan aking pinagdaanan,
Pagiging musmos dito ko naramdaman.
Dito rin ang mundo ay hindi ko namalayan,
At ang bumalot sa akin ay kamangmangan.
II
Munti kong isipan ay walang nalalaman,
Pag nasaktan ako, iiyak at tatahan.
Bigyan ng laruan ay maliligayahan,
Malilimot agad, ano mang nagdaan.
III
Si ina ang malimit kong pagsumbungan,
Mga nangyayari sa aking kapaligiran.
Parang nagbabago ang aking katauhan,
Ang paglalaro ay aking iniiwasan.
IV
Maraming tanong ang hindi maintindihan,
Na bumabalot sa puso ko at isipan.
Ibig kong si ina ay aking pakinggan,
At ang kasagutan ay nais kong malaman.
V
Sabi niya, ang lahat daw ay lilisan,
Pagiging musmos ay dapat kong lampasan.
Darating din aking mauunawaan,
Nangyayari sa akin ay pangkaraniwan.
VI
Isang araw ang dumaan sa aking buhay,
Mga pangyayaring punung-puno ng kulay.
Doon ay naramdaman ko ang ligayang tunay,
Pagiging musmos ay hindi ko ikinalumbay.
VII
Sadya ngang lumilipas itong panahon,
At ang natitira ay bakas ng kahapon.
Hindi ko na maibabalik ang noon,
Kaya dapat lang harapin ko ang ngayon.
VIII
Tinatahak ko ngayon ay bagong lalakarin,
At ang pupuntahan ko ay dapat landasin.
Pagsubok sa mundo ay dapat kalabanin,
Masakit man sa puso dapat kong lutasin.
IX
Natutunan ko na ngayon ang lumaban,
Kahit masakit at ako ay nasasaktan.
Batid kong ganito ang kahihinatnan,
Nang mga taong nakikipagsapalaran.
X
Pangsamantala lamang mga nangyayari,
Lilipas din ang mga ito at mapapawi.
Ngunit ang nasa puso ay mananatili ,
Kung tunay na pag-ibig ang maghahari.
XI
Sa mundong ito ay minsan lang ang mabuhay,
Paghihirap dito ay huwag ikalumbay.
Darating din ang ligayang hinihintay,
Kung ipapasa-Diyos ang paglalakbay.
XII
Hindi ko ninasa ang sa mundo ay tumakas,
Basta ibinuhos ko ang lahat kong lakas.
Kahit masakit ang sa puso ay bumakas,
Ang noon at ngayon ay iba sa bukas.
Comentarios