O AKING BUHAY
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Oktubre 26, 2012
I
Kamusta ka o aking buhay?
Bakit tila ikaw ay nalulumbay?
Buhay mo ba ay hindi makulay?
Kaya lungkot ang iyong tinataglay.
II
Saan ka ba nagkulang ng saya?
Sa isipan ba o sa pusong mapangamba?
Ikaw ba ay may inaalalang iba?
Bukod sa pag-ibig may iba nga ba?
III
Sa karangyaan, ikaw ba ay salat?
Baka ang kayamanan sa iyo ay hindi sapat.
Marahil ikaw ay napadpad sa dagat,
Hinangad mo ang ligayang walang sukat.
IV
O aking buhay ikaw ba ay may hinahanap?
Bakit sa lumipas ikaw ay sumusulyap?
May takot ka ba sa iyong hinaharap?
Kaya kasiyahan ay hindi mo malasap?
V
Kung sa buhay mo man ikaw ay nagkamali,
Isipin mong ito ay hindi na mauulit na muli.
Bawat nakalipas sa isipan mo ay ihawi,
Gawin itong aral na sa iyo ay magpapawagi.
VI
O aking buhay ikaw ay magsaya,
Palipasin ang lungkot at mga pangamba.
Kung ang iyong nais ay hindi mo nakuha,
Ito ay gawin mo na lamang na isang alaala.
VII
Iyong ikagalak ang bawat mong oras,
Buhay ng buhay mo'y bigyan ng lakas.
Sikapin mo ang isang magandang wakas,
At ang bawat oras ay huwag hayaang lumikas.
VIII
Ilantad mo ang saya at igawayway,
Ang lungkot at ligaya'y ipagkapit kamay.
O aking buhay ang mundo ay makulay,
Sarili ay gawin mong may saysay.
Comments