top of page
Search

O INAY

  • Writer: Crisanta N. Cardeño-Reyes
    Crisanta N. Cardeño-Reyes
  • Sep 8, 2020
  • 1 min read

Crisanta N. Cardeño-Reyes

Hulyo 1, 2007

I

Kay hirap pigilin ang takbo ng orasan,

Ang bawat araw sa buhay ay kabawasan.

Hindi alintana ang bawat kaganapan,

Maging ang pagdating nitong kamatayan.

II

May isang sandaling kay hirap tanggapin,

Ang iyong paglisan ay hindi ko kayang unawain.

Nawawasak ang puso sa bugso ng damdamin,

Ang paglisan mo o inay kay hirap awatin.

III

Mahabang panahon ang ating pinagsama,

Kalungkutan ay hindi natin alintana.

Sa isang saglit na hindi sinasadya,

Ikaw ay lumisan at ako ay naiwan sa luha.

IV

Bagamat pagyao mo ay aking kamatayan,

Ikaw ay ihahatid sa huli mong hantungan.

Sa piling ng Diyos kapayapaan ay makakamtan,

Sapagkat ikaw inay ay isang huwaran.

V

Dalhin mo aking ina matatamis nating alaala,

Na 'di ko malilimot hanggang sa huli kong hininga.

Sa bawat sandali na ating pinagsama,

Langit ang katumbas sa tuwi-tuwina.

VI

Sa iyong kandungan ako ay inalagaan,

Sa dibdib mo ay inihiga ang aking kahinaan.

Kinalinga mo ako ng buo mong kalakasan,

Yaman ay inihandog ng walang katanungan.

VII

Habilin mo o inay ay aking susundin,

Sa takbo ng buhay lahat ay susuriin.

Buhay mong bigay ay hindi ko wawasakin,

Pinangarap mo sa akin ay hindi ko kikitilin.

VIII

Isang pangako o inay aking bibitiwan,

Buhay kong iyong iningatan ay 'di ko pababayaan.

Makakaasa kang sarili ay pangangalagaan,

Tulad ng kalinga mong sa akin ay inilaan.

IX

Ipanatag mo o inay ang iyong damdamin,

Sa langit ay huwag mo akong alalahanin.

Lahat mong ginawa ay sapat sa akin,

Higit pa sa iyong akala ang aking naangkin.

X

Bagamat sa mundo ay hindi ka nagtagal,

Pag-ibig mong iniwan ay patuloy na bumubukal.

Ito ay isang yaman na aking kinararangal,

Salamat O INAY sa iyong pagmamahal.


 
 
 

Recent Posts

See All
SANA MAY BUKAS PA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Setyembre 1990 I Maraming katanungan ang nasa aking puso, Ang pagdapo ng pag-ibig ay hindi ko matanto. Sa...

 
 
SANA AY IKAW NA NGA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Pebrero 1990 I Sabi nila ako daw ay isang hangal, Dahil hindi daw ako marunong magmahal. Hindi nila alam ang...

 
 
AKING AMA AT INA

Crisanta N. Cardeño-Reyes 2007 I Sa simula nitong buhay, kayo ay kaagapay. Sa dusa at hinagpis ko kayo ay karamay. Ako ay inangat sa...

 
 

Comments


bottom of page