PAALAM INAY
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
2007
I
Paghihiwalay sa isipan ko ay hindi sumagi,
Paglisan man o paglayo ay hindi ko minithi.
Mga paniniwala sa puso ay hindi nanatili,
Nang ang kamatayan sa diwa ko ay dumampi.
II
Kay hirap sambitin ang nasa aking damdamin,
Takot ang nasa isip hindi kayang awatin.
Wari bang kamatayan ay aking sasapitin,
Ang paglisan mo o inay kay hirap tanggapin.
III
Itong aking mga luha sa dagat ay umaagos,
Kalungkutang hindi mapigil sa puso ay tumagos.
Aking kaisipan sa lungkot ay kinakapos,
Unawain ang hinagpis na hindi matatapos.
IV
Bagamat ang lahat ay hindi na maibabalik
Ang iyong alaala sa langit ay ihahalik.
Ipakikiusap sa Diyos ang aking pananabik,
Pangungulila sa ina, nag-iwan ng batik.
V
Humayo ka at sa langit ikaw ay magpahinga,
Sa kandungan ng Diyos, bumalik ka aking ina.
Bagamat masakit ang hindi ka na makikita,
Puso ko ay panatag, sa langit ay naroon ka.
VI
Nagkahiwalay man ang ating mga nilalandas,
Pagmamahal ko sa iyo ay hindi magwawakas.
Sa diwa ko ay mananatili iyong mga bakas,
Na hindi ko malilimot, buhay ko man ay maagnas.
Kommentare