top of page
Search

PAG-IBIG KO AY HINDI LILISAN

  • Writer: Crisanta N. Cardeño-Reyes
    Crisanta N. Cardeño-Reyes
  • Sep 8, 2020
  • 1 min read

Crisanta N. Cardeño-Reyes

Pebrero 1990

I

Iyong nakikita ngunit hindi mo nadarama,

Ang pumipintig na puso at tila nagtataka.

Suriin mo at buksan ng iyong madama,

Nag-aalab na damdamin na takot bumuga.

II

Tingin ko sa iyo ay pangkaraniwang nilalang,

Kasama ko ngayon at bukas ay lilisan.

Ganyan ang lahat pangsamantala lamang,

Iiwanan din ako pag hindi na kailangan.

III

Di ba kay sakit nitong aking nararamdaman?

Takot akong harapin ang tunay na kaligayahan.

Dahil sa puso'y nakatatak ang isang nagdaan,

Lumipas na kahapon, hindi ko malilimutan.

IV

Nawa ay mapatawad kung ako ay nagkasala,

At maunawaan mo ang pusong nangangamba.

Ganyan ako kung may pagsinta,

Nakatago sa dilim at hindi mo makikita.

V

Kapag ang puso ko ay iyong sinaktan,

Tatanggapin ko hanggang sa kaitaasan.

Yurakan man ako ay walang kailangan,

Iyan ang pag-ibig na sa iyo ay nakalaan.

VI

Sabihin sa akin kung ako ay iiwan,

Matatanggap ko kung kinakailangan.

Batid kong ganito ang kahahantungan,

Nang isang pag-ibig na hindi makatotohanan.

VII

Huwag mong hayaan puso ko ay masaktan,

Sapagkat aalis ako at tutungo kung saan.

Ngunit pag-ibig ko ay hindi lilisan ,

Maiiwan sa iyo magpakailan man.

VIII

Hanapin mo man ako ay hindi mo makikita,

Magsisi ka man ako ay wala na.

Maaaring kay Bathala ako nagpunta,

O sa dambana kapiling ng iba.

IX

Ang aking pag-ibig ay hindi mapanibugho,

Di nagkukunwari sapagkat galing sa puso.

Limos man o awa sa iyo sumasamo,

Tanggapin mo hanggang sa mapagtanto.

X

Pag-ibig ko sa iyo ay hindi lilisan,

Ito'y 'di magwawakas hanggang kamatayan.

Ano man ang mangyari ay ipaglalaban,

Sapagkat puso ko ay sa iyo nakalaan.


 
 
 

Recent Posts

See All
SANA MAY BUKAS PA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Setyembre 1990 I Maraming katanungan ang nasa aking puso, Ang pagdapo ng pag-ibig ay hindi ko matanto. Sa...

 
 
SANA AY IKAW NA NGA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Pebrero 1990 I Sabi nila ako daw ay isang hangal, Dahil hindi daw ako marunong magmahal. Hindi nila alam ang...

 
 
AKING AMA AT INA

Crisanta N. Cardeño-Reyes 2007 I Sa simula nitong buhay, kayo ay kaagapay. Sa dusa at hinagpis ko kayo ay karamay. Ako ay inangat sa...

 
 

Comments


bottom of page