PAG-IBIG KO AY HINDI MAGLALAHO
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 2 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Oktubre 1990
I
Isang katotohanan ang nais kong ihayag,
Nagsimula ito noong puso ko ay lumiyag.
Sa isang nilalang na hindi naman tanyag,
Sinikap kong mahalin upang siya ay mapanatag.
II
Sinadya kong mangyari ang lahat ng bagay,
Sapagkat hindi ko nais na siya ay malumbay.
Kung kailangan kong ihandog yaring buhay,
Ibibigay ko kahit aking ikamatay.
III
Hindi ko alam kung paano ang umibig,
Sumusunod lamang ako sa ikot ng daigdig.
Sapagkat ang hangad ko ay mawalan ng ligalig,
Ang bawat pusong naghahangad ng pag-ibig.
IV
Sa unang pagkakataon ay agad akong nagtiwala,
Hindi ko alam kung saan siya nagmula.
Tinatak ko sa isip galing siya kay Bathala,
Kaya aking iningatan ang puso niya at diwa.
V
Sa kanyang puso ay pilit kong pinadama,
Ang mabuhay sa mundong pawang ligaya.
Pagmamahal sa puso ay aking ipinakita,
Hindi ko man bigkasin alam kong nadarama.
VI
Aking iningatan ang kanyang puso,
Kahit nasasaktan ako ay aking itinago.
Sapagkat hindi ko nais na siya ay mabigo,
O lumisan yaring aking pagsuyo.
VII
Maraming gumugulo sa puso ko at isipan,
Sapagkat 'di ko batid tunay niyang katauhan.
Winalang bahala ko ano man ang matuklasan,
Basta ang alam ko siya ay aking nauunawaan.
VIII
Tanggap ko sa puso kung sino man siya,
Hindi magbabago ang pag-ibig ko sa kanya.
Kung hindi man niya nadama yaring pagsinta,
Itatakwil ko ang pag-ibig na alay ko sa kanya.
IX
Sinikap kong ipadama ang tunay na pag-ibig,
Kahit nasasaktan ako sa hatol ng daigdig.
Dahil ang ibig ko ay marinig niya ang pintig,
Nitong aking pusong may ibig ipahiwatig.
X
Tapat akong sa kanya ay nagmamahal,
Kahit sabihin pang ako ay hangal.
Kinakalaban ko pagsubok mang idatal,
Mapatunayan ko lang na siya ay aking mahal.
XI
Ngunit bakit patuloy niya akong sinasaktan,
Alam ba niya ito o hindi niya nauunawaan?
Kung hindi man kayang puso ko ay ingatan,
Makabubuting magkalayo at sabay na lumisan.
XII
Bagamat masakit ang sa kanya ay mawalay,
Wala akong magagawa kundi ang malumbay.
Lilipas din naman ang hapdi niyang inialay,
Kasabay ng paglisan ko sa kanyang buhay.
XIII
Malaya niyang makakamtan, bawat niyang naisin,
Hindi magdaramdam ang aking damdamin.
Magtaksil man siya ay kaya ko ng tanggapin,
At hindi na ako umaasang kanyang iibigin.
XIV
Batid ko na ngayon ang kanyang dahilan,
Kung bakit ang puso ko'y 'di niya iningatan.
Wala palang pag-ibig na sa akin ay inilaan,
Kaya damdamin ko'y malimit niyang sinasaktan.
XV
Mahirap tanggapin yaring katotohanan,
Na siya pala sa akin ay isang bulaan.
Pawang kahibangan ang kanyang inilaan,
At mga winikang kasinungalingan.
XVI
Sadya ngang pag-ibig niya ay isang kabaliwan,
Iniisip lang niya ay ang kanyang kapakanan.
Wala bang halaga kahit ako ay masaktan?
Masunod lamang niya ang sariling kagustuhan.
XVII
Tama ba o mali ang aking paniniwala,
Na ang pag-ibig niya sa akin ay sadyang wala.
Wala bang katotohanan lahat niyang winika?
At mapagkunwaring pag-ibig ang kanyang iniadya.
XVIII
Patawarin ako sa mali kong akala,
Hindi ko na mabatid kung ano ang tama.
Kung mali man ako sa aking paniniwala,
Itakwil niya ako at sabay na isumpa.
XIX
Ginawa kong lahat upang kanyang mapagtanto,
Ang katotohanan, pagmamahal ko ay hindi biro.
Masakit man lahat ang ipinadama niya sa puso,
Tinanggap ko ito upang kami ay hindi magkalayo.
XX
Bagamat masakit ang sa kanya ay lumayo,
Wala akong magagawa kundi ang humayo.
Lilipas din naman yaring nasa puso,
Pag-ibig ko lamang ang siyang hindi maglalaho.
Comentários