PAGDADALAMHATI
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Disyembre 2, 2016
I
Sa dilim ng gabi tayo ay nagtatagpo,
Bawat pahiwatig mo ay tinatatak sa puso.
Sa panaginip inay, ikaw ay aking sinusuyo,
Upang manumbalik, lambingang naglaho.
II
Ang sikat ng araw ay hindi ko nais makita,
Ibig kong magkubli sa buwan o aking ina.
Bituin kang kumikinang na kay ganda,
Ikaw ang nag-iisa kong buhay at pag-asa.
III
Sa kalungkutan inay ako ay napasadsad,
Hanap ko ay sayang dulot ng iyong palad.
Batid mo ba ina na ako ay isa ng hubad?
Wala akong tangan na ngiting mailalahad.
IV
O kay bigat aking inay ang krus ng pagluha,
Isang kalbaryong pasan ko yaring pagluluksa.
Hindi ako makatawid sa dusang tinatamasa,
Ako'y alipin ng kalungkutang 'di ko mapuksa.
V
Sa tuwing ang aking mga mata ay imumulat,
Luha ang bumubukal na hindi ko maawat.
At ang ingay ng hagulgol ko ay nagkalat,
Umaalon ang hinagpis ko dito sa dagat.
VI
O kay bigat ng pagdadalamhati,
Ngunit may tuwa sa tuwing ako ay nagmumuni.
Larawan mo inay, sa isipan ay sumasagi,
Pagmamahal mo ang sa diwa ko ay dumadampi.
Comments