PAGLALAKBAY
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Nobyembre 20, 2007
I
Sa mundo ng walang-muwang kay sarap manahan,
Sa daigdig ng mga musmos ligaya ay makakamtan.
Walang pighating iyong mararanasan,
Kalinisan ng budhi sa musmos ay masisilayan.
II
O kay bilis nitong mga sandali,
Ang pagiging musmos ko ay hindi nanatili.
Dumating ang araw na hindi ko minithi,
Harapin ang mundo na sa akin ay sasawi.
III
Iba't ibang mukha ay aking hinarap,
At sa bawat isa ako ay lumingap.
Wala akong itinangi o tatangiing ganap,
Sapagkat ang bawat isa sa akin ay palingharap.
IV
Saan man makarating yaring paglalakbay,
Puso ko ay inihanda sa bawat bagay.
Maging yaring diwa ay handang umalalay,
Sa pusong bigo at laging nalulumbay.
V
Paglalakbay ko ay tila walang katapusan,
Bawat kong landasin ay mali ang daan.
Katahimikan ng diwa ay hindi matagpuan,
Puso ang pumapanatag sa diwang naguguluhan.
VI
Kung saan man patutungo yaring huling hantungan,
Tunay na ligaya ay aking makakamtan.
Pagtaggap ay aking pinanindigan,
Sa ano mang bagay, ako ay hindi kayang subukan.
Comments