PAGMAMAHAL KO AY HINDI IPAGKAKAIT
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Hunyo 16, 2009
I
Hindi kita nakikita at hindi kita naririnig,
Kahit ang sigaw mo sa akin ay hindi makakaantig.
Namanhid na ako sa bawat mong tinig,
Pawang pasakit nakamtan ko sa iyong bisig.
II
Masdan mo ang mata kong namamanglaw,
Sa kapighatian ay luha ang tumatanglaw.
Dibdib ko ay tila hindi na makagalaw,
Nalulunod sa dusang iyong ipinataw.
III
O kay saklap ng aking nadarama,
Pagkatao ko ay sinisira mo sa tuwina.
Laging hangad ko ako ay iyong makita,
Subalit handog mo sa akin ay parusa.
IV
Ako ba ay may nagawang pagkakamali?
Bakit ang damdamin ko ay namimighati?
May sala bang dapat kong ikasawi?
Upang ako ay sa lungkot manatili.
V
Ikaw ang sanhi ng lungkot kong nadarama.
Mga salita mo ay pawang maling mga husga.
Salungat nating paniniwala ay magkaiba,
At patuloy kang sa akin ay hindi nakikiisa.
VI
Sa haba ng bawat mong pasakit,
Wala ng hihigit pa na sa akin ay makakasakit.
Ang lahat ay tinanggap kong nakapikit,
Upang pagmamahal ko sa iyo ay hindi ko ipagkait.
Commenti