top of page
Search

PAGMAMAHAL MO AY PINANGARAP

  • Writer: Crisanta N. Cardeño-Reyes
    Crisanta N. Cardeño-Reyes
  • Sep 8, 2020
  • 1 min read

Crisanta N. Cardeño-Reyes

Pebrero 2004

I

Pagmamahal na sadyang walang kasing tibay,

Bisig at kamay na laging nakaalalay.

Taingang nakikinig upang gumabay,

Matang tumititig upang hindi mapawalay.

II

Ikaw ay hinubog ko at sa ganyan ko tiningnan,

At inisip kong ito ang katotohanan.

Sinaksak ko sa diwa ang ganyan mong katauhan,

Sapagkat nais kong ako ay iyong hawakan.

III

Dumaan at nagdaan ang mahabang panahon,

Mga paniniwala ay nanatiling paghamon.

Iniisip kong ikaw sa akin ay ganoon,

Upang pagmamahal ko ay hindi mapabaon.

IV

Ngunit ako ay taong mayroong kahinaan,

Pagkukunwari ko ay hindi ko mapanindigan.

Aking nililingon itong katotohanan,

Na ako sa iyo ay wala ngang kabuluhan.

V

Kaya nga marahil ako ay hindi mo inaalalayan,

Mula kamusmusan ako ay tinalikuran.

Laging pagtakwil salitang binibitiwan,

At iyong isinaksak sa puso ko at isipan.

VI

Mga katanungan ba ay iyo pang masasagot?

Katotohanan ba ay hindi mo ipagdadamot?

O panlilinlang ang sa akin ay isasagot,

Alalahanin mong ako ay hindi nakakalimot.

VII

Pag-iwan mo ba sa amin ay hindi sinasadya?

Bawat pangyayari ba ay hindi mo inakala?

Iniisip kong ito ay dulot ng tadhana,

Kahit na alam kong ito ay sa iyo nagmula.

VIII

Patawarin mo ako sa labis kong paghahangad,

Na ang pagmamahal mo sa puso ko ay igawad.

Kahit na ito ay isang pag-ibig na huwad,

Iisipin ko pa rin na ako ay mapalad.


 
 
 

Recent Posts

See All
SANA MAY BUKAS PA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Setyembre 1990 I Maraming katanungan ang nasa aking puso, Ang pagdapo ng pag-ibig ay hindi ko matanto. Sa...

 
 
SANA AY IKAW NA NGA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Pebrero 1990 I Sabi nila ako daw ay isang hangal, Dahil hindi daw ako marunong magmahal. Hindi nila alam ang...

 
 
AKING AMA AT INA

Crisanta N. Cardeño-Reyes 2007 I Sa simula nitong buhay, kayo ay kaagapay. Sa dusa at hinagpis ko kayo ay karamay. Ako ay inangat sa...

 
 

Comments


bottom of page