PAGSINTA NA HINDI MAIPAGLABAN
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Abril 1992
I
Ako sa iyo ay walang hinanakit,
At kailan man ay hindi ako nagalit.
Bawat bagay ay inintindi kong pilit,
Kahit na ito sa puso ko ay masakit.
II
Bakit ako ay hindi mo maintindihan?
Ang sinasabi ko ay hindi mo maunawaan.
Pagmamahal ko ay agad mong tinalikuran,
Ang bawat mong ginawa'y walang katwiran.
III
Ang iyong paningin ay isang sinungaling,
Puso at isipan mo ay isang balimbing.
Balewala sa iyo ang bawat kong hiling,
Nagkukunwari kang natutulog ng mahimbing.
IV
Puso mo ay nanahimik at ako'y 'di pinaglaban,
Pagmamahal mo sa akin walang pinatunguhan.
Umalis ka at ako ay iyong tinalikuran,
At tanging mga tanong, sa aki'y iyong iniwan.
V
Puso't isipan ko ay kumapit sa iyong bisig,
Sa bawat mong salita, ako ay nakinig.
Buong akala ko'y tapat ang binibigkas ng bibig,
Isang hangin lamang ang iyong pag-ibig.
VI
Akala ko pagmamahal mo ay may katuturan,
Pag-ibig mong inilaan ay isa palang bulaan.
Bawat mong binanggit ay isang kahibangan.
Nilunod mo ako sa luha ng kasawian.
VII
Pagsinta mo ay hindi maipaglaban,
Sapagkat laman ng puso mo ay kataksilan.
Pagtalikod mo sa akin ay maraming dahilan,
Mata mo'y nakatuon sa sariling kagustuhan.
VIII
Kung ang katawan mo man ay hindi maikilos,
Dahil pagmamahal mo sa akin ay hindi lubos.
Mananatili kang sa mundo ay naghihikahos,
Pagtalikod mo sa puso ay isang galos.
Comentários