PAGTANGGAP
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Enero 1999
I
Kung sarili ay natagpuan sa lugar na 'di mo alam,
O ikaw ay napadpad sa hindi mo inaasahan.
Makadarama ka rin ng tunay na kasiyahan,
Pagtanggap ay kailangan sa bawat kasawian.
II
Huwag kang magpadala sa labis na kalungkutan,
Isipin mong hindi ka nag-iisa sa iyong katayuan.
Higit na marami ang tulad mong nasasaktan,
Ikaw ay mapalad, higit sa kahit sino pa man.
III
Mata mo ay imulat sa gulo nitong daigdig,
Dito ay makikita mo na ang lahat ay maligalig.
Tunay na katahimikan ay hindi ang pag-ibig,
Kundi ang pagtanggap nito sa bawat ipinipintig.
IV
Bakit hindi mo pakinggan ang sabi-sabi ng iba?
Upang makakuha ka ng magandang paalala.
Sa buhay na ito ay tanging ikaw ang magdadala,
Ngunit kailangan mo ng payong makakasama.
V
Dapat tanggapin, ano man iyong kinahantungan,
Ikaw naman ang pumili ng iyong kapalaran.
Hindi ka naligaw sa landas mong nilalakaran,
Ang pagharap mo sa buhay ay mali ang paraan.
VI
Sa bawat kabiguan ay matuto kang tumanggap,
Sa tama man o mali ay manindigan kang humarap.
Ang dalisay na ligaya ay iyong mahahanap,
Pagtanggap sa nangyayari sa iyo ay lilingap.
VII
Harapin mo ang bawat araw na sumisikat,
At ang nakalipas ay huwag mong isukat.
Bawat hapding sa puso mo ay inilapat,
Hahawiin ng umaga ang sa iyo ay sumugat.
VIII
Sarili mo ay hayaan mong umalon,
May sayang idinudulot ang bawat hamon.
Masiyahan ka sa hawak mo ngayon,
At pagmunian mo ang kahapon at noon.
留言