PAGTATAKA
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Mayo 1991
I
Ako ay may nadarama,
Na tila kakaiba.
Gumugulo sa diwa,
Hindi ko maunawa.
II
Ito ay nais alamin,
At ito ay tukuyin.
Kailangan ay tanungin,
Sagot sa akin ay sambitin.
III
Pakikinig ay inip,
Salita ay hindi mahagip.
Pagod sa kakaisip,
Diwang lahat ay kinipkip.
IV
Mata ko ay ipinikit,
Nagpahingang pilit.
Sa sandaling sasaglit,
Isipan ay namilipit.
V
Nang mata ko ay binuksan,
Lalake ay nasilayan.
Kamay ko ay hinawakan,
Noo ko ay hinalikan.
VI
Ako ay kanyang tiningnan,
Ang sabi ay iingatan.
Ikaw ay aalagaan,
Aking poprotektahan.
VII
Huwag mong pagkaisipin,
Naglalarong damdamin.
Lahat ay unawain,
At mata mo ay itingin.
VIII
Ang minuto ay lumipas,
Sa akin ay may humampas.
Gising ang naging lunas,
Panaginip ko ay nagwakas.
Comments