PAKIKIPAG-USAP KAY INAY
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Setyembre 18, 2016
I
Para akong isang isda sa gitna ng karagatan,
Sa paglalangoy, 'di batid ang patutunguhan.
Kalawakan ay ikinubli ng along naglalakihan,
Sa ilalim ng tubig naroon ako at doon nananahan.
II
Pamimighati ko o inay ay hindi ko malampasan,
Tulala sa hangin, diwang lungkot kinasadlakan.
Sarili ay ikinubli sa dagat ng kalaliman,
Puso at isipan ko ay nasa daigdig ng kalungkutan.
III
O aking inay, kay saklap ng iyong paglisan,
Araw-araw inay ay hanap kita at nais masilayan.
Ganoon pa man ako'y may sayang nararamdaman,
Sa piling ng Diyos, masaya kang doon nananahan.
IV
Isipin ko man ang saya na iyong kinalalagakan,
Mga luha'y 'di mapatid sa daloy ng kalungkutan.
Masaklap inay, paghihinagpis ng pusong luhaan,
Ako ay musmos sa gitna ng isang karagatan.
V
Nawa'y makayanan ko, lupit nitong kasawian,
Upang ang bawat habilin mo'y maisakatuparan.
Mga batas at alituntunin mo'y aking susundan.
Umasa kang habilin mo ay aking panghahawakan.
VI
Hindi natatapos ang orasan ng kalungkutan,
Pananabik sa iyo ay madalas pa sa minsan.
Halos ang segundo ay mapuno ng pananambitan.
Pagnanasang ikaw ay muli kong masilayan.
VII
Saan ba kita muling makikita?
Paano ba tayo muling magsasama?
Patutunguhan ko inay ay 'di ko mapuna,
Sarili ko ay nasa lungkot ng pagdurusa.
VIII
Dito sa aking puso ikaw ay naroroon,
Sa aking diwa ikaw ay tumutugon.
Masaklap man ang sa luha ay lumingon,
Ang paglisan mo ay hindi isang kahapon.
Comments