PANAGINIP O PANGARAP
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 2 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Abril 1990
I
Ang managinip ba ay isang kabaliwan,
O guni-guni ng isang kaisipan?
Marahil ay hindi mauunawaan,
Dahil ito ay nakatago sa kadiliman.
II
Walang makaunawa ng nasa puso,
Sapagkat ito ay lihim at nakatago.
Makababatid lamang ay ang nagsugo,
At siya ang tutupad ng isang pangako.
III
Ano nga ba itong tunay na pangarap,
Ito ba ay sa mayaman o sa mahirap?
Marahil ang lahat ay makatatanggap,
Sapagkat ang naghahangad ay nangangarap.
IV
Lahat ng nangangarap ay may dahilan,
Hangad ng iba ay sariling kapakanan.
Ngunit kung minsan dala ay kapahamakan,
Sa paghahangad natunton ay kadiliman.
V
Lahat ng pangarap ay may katuparan,
Ngunit ang lahat ay mayroong hangganan.
Marahil ngayon o bukas makakamtan,
Itong hinahangad nating kaganapan.
VI
Sadya ngang nakakaaliw ang mangarap,
Mga hindi maabot ay waring magaganap.
Lumalapit sa Diyos at nangungusap,
Humihiling na nawa ay makatanggap.
VII
Sana ang gabi ay hindi na maging umaga,
Upang ang pangarap ay bigyang pag-asa.
Panaginip man ito nawa ay madama,
Kahit na saglit ay patuloy na umaasa.
VIII
Dapat matauhan bawat kaisipan,
Panaginip ay walang patutunguhan.
Imulat ang mata upang mapagmasdan,
Ang bukang liwayway sa dakong silangan.
IX
Sinag ng araw ay huwag katakutan,
Ang liwanag nito ay may patutunguhan.
Lumakad ka ng tuwid sa tamang daan,
Makakamtan mo ang tunay na kaganapan.
X
Huwag ikatakot ang ano mang pagsubok,
Tutulong ang Diyos sa taong marupok.
Pag-ibig niya sa atin niya iniluklok,
Dahil alam niya na ang tao ay alabok.
XI
Dinulot ng Diyos na ang tao ay masaktan,
Sinadya din niya na ang tao ay masugatan.
Sapagkat ibig niya na ang tao ay lumaban,
At ang pangarap ay bigyang katuparan.
XII
Pinagagaling niya ang kanyang sinugatan,
Inaaliw niya ang kanyang pinahirapan.
Dinirinig niya ang ano mang kahilingan,
Ngunit nakalaan itong kasawian.
XIII
Mapapalad ang sinasaway ng Diyos,
Pagtutuwid niya ay para sa ating lubos.
Kaya yaring pag-ibig ay kanyang ibinuhos,
Sa bawat pusong lubhang naghihikahos.
XIV
Ano mang pangarap ay may katuparan,
Panaginip man ito ay dapat pagsikapan.
Kathang isip man ay may patutunguhan,
Ngunit kailangan ay matutong lumaban.
XV
Ang panaginip ay walang patutunguhan,
Sa dilim ng gabi ay doon masusulyapan.
Pagsikat ng araw ay takot ng lumaban,
At itong pagsubok ay tinatakasan.
XVI
Ano mang panaginip ay hindi mabibigo,
Kung magiging pangarap ay mapagtatanto.
Sa Diyos tayo ay laging magsumamo.
Sapagkat batid niya ang nasa bawat puso.
Commentaires