PANININDIGAN
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
2000
I
Tatapusin ko ang bawat kong sinimulan,
Magpapatuloy ako hanggang sa hangganan.
Titindig ako hanggang sa katapusan,
Dahil bawat gawin ko ay nasa katwiran.
II
Paninindigan ang tanging batayan,
Hahayaan kong diwa ko ang manindigan.
Ang nasa tama ay aking ipaglalaban,
Ihahayag ko ng may kahinahunan.
III
Paninindigan ko ang bawat kong salita,
At hindi pababali kung nasa tama.
Ngunit kung ito ay sa akin magpapaluha,
Ang kalikasan ang sa akin ay magpapaunawa.
IV
Ang paninindigan ay hindi sandigan,
Paniniwala mo ay hindi isang basehan.
Iyong panindigan ang nasa katwiran,
At bawat gawin mo ay bigyang katarungan.
V
Ang sarili ay kay hirap na panindigan,
Sapagkat kalaban mo ay ibang kalooban.
Hatol ng husga ang sa iyo ay ilalaan,
Ihanda ang dibdib sa kahahantungan.
VI
Paninindigan ay aking paninindigan,
Tatayo ako kung kinakailangan.
Ngunit ang dapat ay mayroong katarungan,
Upang hindi masira ang tamang kalooban.
Comments