PARU-PARO
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Pebrero 26, 2016
I
Hanap-hanap kita sa lahat ng dako.
Pilit kitang sinisilip kahit ika'y isang paru-paro
Ikaw ang nag-iisang tangan ng aking puso.
Asahan mo inay sa langit tayo ay magtatagpo.
II
Sa pagsapit ng dilim kita ay inaaninag
Sa aking panaginip, hanap kita sa magdamag.
Ngunit kung minsan ako ay nahahabag,
Ika'y 'di ko masilip, sa dilim ako ay isang bulag.
III
Sa pagsikat ng araw ako ay nagmamadali.
Sa pinto ay sumisilip at nagbabakasakali.
Na ikaw ay naroroon kahit na isang sandali.
Isa kang paru-parong sa pinto ko ay namamalagi.
IV
Sa aking dinaraanan ikaw ay lumilipad.
Sa patutunguhan ko ikaw ay laging napadpad.
Mata mo ay nakatuon sa aking paglalakad,
Patuloy mong tinatangan yaring aking palad.
V
Ikaw ay naririto sa aking tabi,
Mga salita mo inay ay patuloy na humuhuni.
Sa wika ng iba ako ay nabibingi
Bukod tanging salita mo ang sa sarili ay sinasabi.
VI
Sa maghapon at magdamag kita ay iniisip
Diwa ko ay nakatuon sa alaalang kinikipkip.
Bawat sandali, nakaraan natin ay hinahagip,
Nitong puso kong sabik sa iyong halik.
VII
O aking inay. . . Nais kitang makita at makausap
Upang muli kong madama init ng iyong paglingap.
At nais kitang yapusin ng mahigpit kong yakap,
Tanging ikaw inay ang aking hinahanap.
VIII
Ikaw ang laman ng bawat kong gunita,
Sa aking dasal ikaw ang hinihiling kay Bathala.
Dalangin kong ingatan ka at diwa mo ay ipayapa,
Katahimikan ng puso mo ay lagi niyang iadya.
Comments