PINAGTAGPONG SULYAP
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Abril 1999
I
Walang salitang paalam na sa akin ay binanggit,
Binitiwang kataga mo ikaw ay babalik.
Lumipas ang araw sa hantungan ay hindi sumapit,
At kahit anino mo sa tagpuan ay hindi sumilip.
II
Ngayon ko nababatid ang hindi mo pagbalik,
O pagtupad sa pangakong sa akin ay mamamanhik.
Hindi ka lumingon sapagkat sa akin ay 'di sabik,
Nilimot mo ako at iniwanan ng batik.
III
Sa hindi sinasadyang mapagbirong panahon,
Nagtagpo ang ating landas sa hudyat ng panahon.
Ngunit pagtitinginan lamang ang ating naging tugon,
Sapagkat pareho nating hawak, bigay ng Panginoon.
IV
Nabigla ako ng makita ka sa piling ng iba,
Batid kong ganyan rin ang iyong nadama.
Nang makita mo akong may iba ring kasama,
Ikinagulat mo ang muli nating pagkikita.
V
Kaya walang salitang namutawi sa bibig,
Maliban sa pagsulyap ngunit hindi pagtitig.
Nag-uusap tayong mata ang nagpapahiwatig,
Na ikaw at ako ay may kanya-kanya ng pag-ibig.
VI
Nakaraan natin ay bahagi lang ng kabataan,
Karugtong ng kahapon na sa puso ay dumaan.
Isang imahinasyon ang binuo sa isipan,
Pag-aakalang magbubuklod sa pagmamahalan.
VII
Subalit hindi iniadya ang hindi nakatakda,
Kaya sa umpisa ay walang naging simula.
Ang tangi lamang nasa puso ay yaring paghanga,
At hindi pag-ibig na ating inakala,
VIII
Kaya ang bawat puso ay naging malaya,
Humanap ng iba na 'syang kakalinga.
Upang mahalin din ng wagas at dakila,
At hindi tulad lamang ng damdaming paghanga.
Comments