top of page
Search

PINTIG

  • Writer: Crisanta N. Cardeño-Reyes
    Crisanta N. Cardeño-Reyes
  • Sep 8, 2020
  • 2 min read

Crisanta N. Cardeño-Reyes

Oktubre 1, 2007

I

Isang araw ang sa aking buhay ay aking nilingon,

Nakita ko ang pusong sa pighati ay hinamon.

Sadya nga yatang kay lupit nitong aking kahapon,

Sa kalungkutan ay luha ang aking itinutugon.

II

Bunga ng pag-ibig at tamis ng pagmamahalan,

Isinilang ako sa daigdig ng kasiyahan.

Yaring mga puso nila ay puspos ng kagalakan,

Pagkat pag-ibig ang sa puso nila ay nananahan.

III

May isang sandali sa buhay nila ang 'di inakala,

Pusong nagmamahalan ay hinamon ng tadhana.

Sa hindi sinasadya ng damdaming nagwawala,

Naiwan ako sa paghahangad nila nang laya.

IV

Ang bawat araw sa paningin ko ay hatinggabi,

Sapagkat pagkatao ko ay kanilang isinantabi.

Wala silang paliwanag na sa akin ay sinabi,

At sa agos ng buhay ay doon ako sumisibi.

V

Hindi ko inasam ang buwan o sikat ng araw,

Pagkat tanging takot ang sa puso ko'y humihiyaw.

Pakiwari ko ang bawat isa sa akin ay bibitaw,

Pagkat sariling magulang sa akin ay umayaw.

VI

Maaaring sila ay may magandang kadahilanan,

Subalit ito ay hindi abot ng aking kaisipan.

Aking hinintay na ang lahat ay maunawaan,

Sa agos ng tubig, dibdib ko ay doon inilaan.

VII

Hindi nila alintana ang aking pagdurusa,

Sa tuwing hinahanap sila sa akin ng iba.

Walang katugunan na sa akin ay makukuha,

Maliban sa patak nitong luha kong nangangamba.

VIII

Isang takot ang sa dibdib ko ay nananahan,

Pagkat batid kong ako'y walang pinanghahawakan.

Pamilyang inaasam ay hindi ko masilayan,

Iniwan nila ako sa gitna ng kalungkutan.

IX

Ang aking sarili ay itinago ko sa isang silid,

Upang walang matang sa aki'y makapagmasid.

Hindi ko masabi o sa iba ay ipabatid,

Na ako ay iniwanan at sa daan ay iginilid.

X

Hindi ko sinubukan tingnan ang takbo ng orasan,

Upang ang bawat araw ay hindi ko mamalayan.

Sarili ko ay ibinigay dito sa kapalaran,

At sa puso'y tinanggap ang bawat kinahantungan.

XI

Ang aking mga magulang ay pangalawa sa Diyos,

Na aking minamahal at ginagalang na lubos.

Kung may kakulangan man sa akin ay ibinuhos,

Hindi nila sinasadyang puso ko ay maghikahos.

XII

Panahong natitira sa kanila ay gagamitin,

Aking ipadarama tamis ng aking pagtingin.

Hindi makasasapat ang sila ay aking mahalin,

Kaya buhay kong ito sa kanila ay ihahain.


 
 
 

Recent Posts

See All
SANA MAY BUKAS PA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Setyembre 1990 I Maraming katanungan ang nasa aking puso, Ang pagdapo ng pag-ibig ay hindi ko matanto. Sa...

 
 
SANA AY IKAW NA NGA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Pebrero 1990 I Sabi nila ako daw ay isang hangal, Dahil hindi daw ako marunong magmahal. Hindi nila alam ang...

 
 
AKING AMA AT INA

Crisanta N. Cardeño-Reyes 2007 I Sa simula nitong buhay, kayo ay kaagapay. Sa dusa at hinagpis ko kayo ay karamay. Ako ay inangat sa...

 
 

Comments


bottom of page