PUSO AT DIWA
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Marso 1991
I
Ano ba ang tunay na katotohanan,
Nanggaling ba sa puso o sa munting isipan?
Lahat ng ito ay kay hirap maunawaan,
Hindi maipaliwanag at hindi rin maintindihan.
II
Kung ang puso at diwa ay hindi tuturuan,
Lahat tayo ay walang patutunguhan.
Pawang pighati ang ating makakamtan,
At ang pagluha ay mananatili sa isipan.
III
Buksan ang pusong marunong magmahal,
Ibuhos ang pag-ibig at sa tao ay idatal.
Ituro sa diwa kung ano ang dangal,
Hayaan niyang ihayag ang pagsintang banal.
IV
Sa mata ng puso ay walang tinatangi,
Kahit masama ay kanyang pinupuri.
Tanggap niyang lahat, ligaya man o pighati,
Walang kailangan kung siya man ay masawi.
V
Munting isipan ay marunong umunawa,
Dunong niya at pangarap ay sa diwa nagmula.
Kulay ng mundo ay kanyang nilathala,
Angkin niyang talino ay mula kay Bathala.
VI
Ang puso at diwa ay kapwa iniadya,
Sa banal, dakila, mabuti at masama.
Pinagtagpo ito nitong tadhana,
Upang umibig at matutong umunawa.
Comments