REHAS NA BAKAL
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Enero 19, 2011
I
Bang. . . isang putok ang sa akin ay gumimbal,
Nasindak ako at sa dilim ay nangatal.
Nang mata ko ay imulat, luha ang bumukal,
Sarili ko ay natagpuan sa rehas na bakal.
II
Ito ba ay hatol sa aking kamalian,
O sadyang mali landas kong nilakaran?
Musmos ako at walang naiintindihan,
Maliban sa sundin ang sigaw ng kalooban.
III
Kalinga ng ina ang aking hinahangad,
Ngunit damdamin ko ay itinuri niyang huwad.
Buhay ko ay ibinigay sa ibang mga palad,
Kaya sa dilim ako ay napasadsad.
IV
Buhay ko ay sa lansangan nagpatapon-tapon,
Nagwawala kong damdamin sa liblib ay naparoon.
Ang bawat bagay sa akin ay paghamon,
Maging ang pagkitil ng hindi naaayon.
V
Pinto ng rehas sa akin ay nagbukas,
Pinalaya ako upang harapin ang bukas.
Subalit bitbit ko ang sugat na walang lunas,
Na hindi naghilom at hindi nagwakas.
VI
Nagpalipat-lipat ang bawat taon,
Mga nakalipas ko sa dagat ay hindi umalon.
Wari bang ang bawat sandali ay paghamon,
Kahit na lumipas na ang bawat kahapon.
VII
Wala akong sinisisi sa bawat naganap,
Ito ang kapalarang dapat kong matanggap.
Tao lamang akong sadyang mapaghanap,
At umaasa na ang nais ko sa aki'y magaganap.
VIII
Lahat ng taong aking nasaktan,
Mga pusong iniwanan kong luhaan,
Ang puso ko sa inyo ay nananambitan,
Pagkukulang ko ay inyo sanang maunawaan.
IX
Nawa ay mapatawad ko ang aking sarili,
Upang ang lumipas ko ay hindi na humuni.
Sa rehas na bakal ang diwa ko ay nakakubli,
At ang damdamin ko ay hindi ko rin masabi.
X
Isang saglit na lamang ang sa akin ay nalalabi,
Hininga ko'y mapapatid at sa hukay ay nagmamadali.
Ang aking mga kasalanan sa Diyos ay inihihingi,
Nang pagpapatawad sa bawat kong pagkakamali.
Comments