top of page
Search

SA ABA KONG KATAYUAN

  • Writer: Crisanta N. Cardeño-Reyes
    Crisanta N. Cardeño-Reyes
  • Sep 8, 2020
  • 2 min read

Crisanta N. Cardeño-Reyes

Pebrero 6, 2007

I

Isinilang akong paa ko ay hindi nadumihan,

Sapagkat sa lupa ay iniiwas yaring talampakan.

Nakagisnan ko ang buhay na may karangyaan,

Hindi ako salat sa ano mang aking maibigan.

II

Sa aking paglaki nagpatuloy itong aking buhay,

Kayamanan ang tumustos at sa akin ay gumabay.

Sa pedestal kong trono ay doon ako nahihimlay,

Walang takot sa gabi sa dami nitong alalay.

III

Sa pasimula at kalagitnaan nitong panahon,

Puso ay nakadama ng pag-ibig at aking tinugon.

Ligaya ay nalasap sa maraming pagkakataon,

Ngunit ito ay sasaglit at bumilang lamang ng taon.

IV

Hinayaan kong ang lahat ay mawala sa akin,

Kaya kong mamuhay ng sa akin ay walang umaangkin.

Kayamanan ang sa akin ay maaaring tumingin,

Sa mali kong akala, nasaktan ko yaring damdamin.

V

Akala ko ang lahat ng bagay sa akin ay sapat na,

Upang makapamuhay ng may saya at ligaya.

Subalit puso ko ay kapos sa tunay na pagsinta,

Ligayang inaasam kailan man ay hindi ko nadama.

VI

Lahat ng kadahilanan ay aking sinaliksik,

Kung bakit puso ko ay punong-puno ng batik.

May nagawa ba ako o mali kong inihasik?

Sa buhay kong ito, dusa ang sa akin ay inihalik.

VII

Buhok ko ay pinaputi nitong ating panahon,

Kasabay ng bawat hakbang at sa akin ay paghamon.

Ako ay pilit na bumabalik sa nagdaang noon,

Upang maitama ang pag-irog kong aking tinugon.

VIII

Sa aking nakalipas, doon ay wala akong takot,

Dahil mura kong isipan ay hindi nababagot.

Ano man ang nasa paligid sa akin ay hindi salot,

Kayamanan ang sa katauhan ko ay bumabalot.

IX

Masdan ako ngayon sa aking abang kalungkutan,

Nalulunod ang puso sa aking nararamdaman.

Maaaring ngang ako ngayon ay wala ng kailangan,

Subalit ang mata ko sa tuwina ay luhaan.

X

Kalungkutan ang sa aking puso ay pumapatay,

Araw man o gabi hanap ko ay laging karamay.

Walang pighating sa lungkot ko ay maipapantay,

Sakdal hanggang langit ang hinagpis kong tinataglay.

XI

Ako ba sa mundo ay may nagawang kasalanan,

Bakit pag-iisa yaring aking kinahantungan?

Sino nga ba talaga ang mayroong kakulangan?

Marahil ay ako ang gumuhit ng kapalaran.

XII

Sana ay balikan ako nitong aking nakalipas,

At muling manumbalik yaring diwa ko at lakas.

Paa ay ibabalik upang baybayin ang daang bakas,

At aking itatama ang maling sa tao ay pinamalas.

XIII

Pagkukulang ko sa iba ay aking pinagmasdan,

Napuna ko ang aking mga maling pamamaraan.

Tiningnan ko sila ngunit hindi ko tinitigan,

Sa pag-aakala kong sila sa akin ay bulaan.

XIV

Dalisay na ligaya kailan man ay hindi nasusukat,

Sapagkat wagas na damdamin ay hindi parisukat.

Kasiyahan ay umiikot kaya walang bagamat,

Kung alam ko sana, sa pag-ibig ako ay hindi salat.

XV

Buong akala ko karangyaan ay sapat na,

Kaginhawaan ay kapos sa tunay na ligaya.

Sapagkat hindi nagsasalita yaring ginto at pera,

Kausap ay nabibili ngunit hindi ang kasama.

XVI

Sa aba kong katayuan ako ay kaawaan,

Nagawa kong pagkukulang nawa ay maunawaan.

Huwag hayaan mamatay ako sa kalungkutan,

Kahit saglit ay ipadamang ako ay may kabuluhan.


 
 
 

Recent Posts

See All
SANA MAY BUKAS PA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Setyembre 1990 I Maraming katanungan ang nasa aking puso, Ang pagdapo ng pag-ibig ay hindi ko matanto. Sa...

 
 
SANA AY IKAW NA NGA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Pebrero 1990 I Sabi nila ako daw ay isang hangal, Dahil hindi daw ako marunong magmahal. Hindi nila alam ang...

 
 
AKING AMA AT INA

Crisanta N. Cardeño-Reyes 2007 I Sa simula nitong buhay, kayo ay kaagapay. Sa dusa at hinagpis ko kayo ay karamay. Ako ay inangat sa...

 
 

Comments


bottom of page