top of page
Search

SA AKING MAHAL

  • Writer: Crisanta N. Cardeño-Reyes
    Crisanta N. Cardeño-Reyes
  • Sep 8, 2020
  • 1 min read

Crisanta N. Cardeño-Reyes

Marso 2000

I

Sa altar na kagalang-galang ikaw ay naghintay,

Tinatanaw mo ako sa aking pagbabaybay.

Nang ako ay nakarating ay inabot yaring kamay,

Sa harap ng Diyos mga puso natin ay inialay.

II

Maraming sumpa at pangakong binitiwan,

Ang sa bawat puso ay ating inilaan.

Mga sarili ay pinag-isa dahil sa pagmamahalan,

Kaya handang tuparin ang bawat sumpaan.

III

Pagmamahal mo ay aking pinagdududahan,

Sabihin man ang lahat ay kay hirap paniwalaan.

Batid kong ikaw ay hindi isang bulaan,

Subalit kailangan ang lahat ay patunayan.

IV

Lahat ng salita ay madaling bigkasin,

Ang bawat bagay ay puwede rin gawin.

Ang ipinadarama ay kay daling damhin,

Ngunit ito ay hindi madaling tanggapin.

V

Ang oo ngayon ay iba sa bukas,

Kaya pagmamahal ay puwede rin kumupas.

Akala ng lahat ito ay hindi nagwawakas,

Ngunit naglalaho at nag-iiwan ng bakas.

VI

Pagmamahal mo ay tunay kong hinahangaan,

Naniniwala akong ito ay walang kamatayan.

Ngunit hindi maiaalis na ito ay pagdudahan,

Sapagkat maraming puso ang naging salawahan.

VII

Masasabi ko lamang, pagmamahal mo ay totoo,

Kung sa huling hininga ko ikaw ay naririto.

Ang lahat ay nababago maging ang mundo,

Kaya nagaalinlangan yaring puso ko.

VIII

At kung sakali man ako ay iyong iiwanan,

Manalig kang kita ay aking maiintindihan.

Huwag kang tutungo sa huling kong hantungan,

Mamamatay akong hindi mo masisilayan.

IX

Dahil ayaw kong dalhin ang dulot mong kabiguan,

Ang ibig kong alaala ay ang ating sinumpaan.

Upang mahintay kita doon sa kalangitan,

At ating itutuloy ang wagas na pagmamahalan.

X

Sadya ngang ako ay tunay na malupit,

Sapagkat maraming hinanakit ang sa aki'y sumapit

Tandaan mong pagmamahal ko ay hindi ipinagkait,

Inilaan ko ito sa iyo, makarating man sa langit.


 
 
 

Recent Posts

See All
SANA MAY BUKAS PA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Setyembre 1990 I Maraming katanungan ang nasa aking puso, Ang pagdapo ng pag-ibig ay hindi ko matanto. Sa...

 
 
SANA AY IKAW NA NGA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Pebrero 1990 I Sabi nila ako daw ay isang hangal, Dahil hindi daw ako marunong magmahal. Hindi nila alam ang...

 
 
AKING AMA AT INA

Crisanta N. Cardeño-Reyes 2007 I Sa simula nitong buhay, kayo ay kaagapay. Sa dusa at hinagpis ko kayo ay karamay. Ako ay inangat sa...

 
 

Comments


bottom of page