SA DIYOS KO PINAUUBAYA
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Nobyembre 1991
I
Aking ihahayag ang sa puso ko ay sumugat,
Ipaaalam ko hapding sa inyo'y nagbuhat.
Nawa'y intindihin ako bago husgahan ang lahat,
Ako na ang bahalang magpaalon sa dagat.
II
Sa simula at umpisa, puso ko ay nagdurusa,
Umiiyak at nananangis sa pag-iisa.
Hinanakit at galit ang aking nadarama,
Ang kulay ng mundo ko'y kayo ang nagpinta.
III
Bawat naganap ay isang pagkakamali,
Sapagkat ang puso ko ay pilit ninyong sinawi.
Sinikap kong hapdi ng puso ko ay mapawi,
Hinadlangan ninyo at sugat ang pinanatili.
IV
Kaunting amor lang ang aking hinihiling,
Ipinagkait ninyo at sa iba ibinaling.
Bakit hindi ninyo pinakinggan yaring daing,
Huli na ang lahat upang ako ay dinggin.
V
Mapatawad ko man ang lahat ninyong ginawa,
Hindi na magbabalik ang aking pagtitiwala.
Kayo ang nagtulak sa puso kong lumuluha,
Kasuklaman kayo at sa Diyos ay ipaubaya.
VI
Pilit kong kinalimutan ang kahapon,
Ngunit ang tinik sa dibdib ko ay bumaon.
Sa bawat sandali ay bumabalik ang noon,
Ang sugat sa puso ko ay hindi na nahilom.
VII
Handog ninyo sa akin ay hindi ko malilimutan,
Isang tinik ang sa akin ay inilaan.
Pilit tumutusok hanggang sa kailaliman,
Wari bang sinasadyang puso ko ay sugatan.
VIII
Diyos na ang bahalang sa inyo ay humatol,
Ano man ang igawad niya ay hindi ako tututol.
Kung ano ang nararapat nawa ay iukol,
Upang ang liwanag sa dilim ay hindi magbuhol.
Comments