SA ISANG IGLAP
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Setyembre 7, 2015
I
Itinuro mo ang bulaklak at sa akin ay pinapipitas,
Sa lugar na wala naman akong naaanigan rosas.
Pilit mong itinuturo ang bulaklak sa itaas,
Ngunit ni anino nito ay wala naman kahit na bakas.
II
Hindi ko alintana ang isang pangitain,
Na ako ay iiwan mo at mundo ko ay lilisanin.
Wala kang winiwika, maging huling habilin,
Ang tanging sinambit mo, bulaklak ay pitasin,
III
Mga mata ay ipinikit na wari bang natutulog,
Upang sa paglisan mo puso ko'y hindi mabulabog.
Katahimikan ang sa dibdib ko ay sumabog,
Gumising ka inay, upang pag-ibig ko'y maihandog.
IV
O kay saklap inay ang bawat sandali,
Puso ko ay dinudurog ng iyong pagkasawi,
Walang patunguhan ang bawat kong hikbi,
Ikaw ay lumisan ng walang pasubali.
V
Ang aking puso ay dinudurog ng pagluluksa,
Ibig kong sumigaw at makiusap kay Bathala.
Ibalik ka inay sa iyong mga mutya,
Kaming supling mo'y nakikiusap at nagmamakaawa.
VI
Pinatay ng isang sandali ang aking buhay,
Sarili'y natagpuan kong walang malay.
Sa hangin ay nakatingin mga matang mapupungay,
Wala akong nakikita, maging ang nakikiramay.
VII
O aking inay kay bigat ng aking mundo,
Hindi ko malampasan ang pamimighati ng puso.
Hayaan nawa ng Diyos na ikaw ay makasuyo,
Kahit sa isang luha ay nais kitang makatagpo.
VIII
Sa isang iglap inay ikaw ay lumisan,
Naiwan ako sa mundong 'di ko inaasahan.
Bagamat ito ang ating kinahantungan,
Pagmamahalan nati'y walang kamatayan.
Comments