SA ISANG LUHA
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Disyembre 14, 2013
I
Pawiin nawa ng luha ang aking lungkot,
Bawat patak sana ay hudyat na ng paglimot.
Yaring pag-ibig na sa puso ko ay bumabalot,
Sa araw at gabi ay kamatayan ang dulot.
II
Sinuyo ng pag-ibig ang aking puso,
At ang kaligayahan ay tunay kong natamo.
Langit ang katumbas kung siya ay kasuyo,
Wari bang tinadhanang siya ay makatagpo.
III
Nagwakas ang lahat sa isang luha,
Lumisan siya kahit ako ay nagmamakaawa.
Kabiguan ko ba ay sadyang tinadhana?
Kasawian ko ay waring isang sumpa.
IV
Hindi ko siya malimot sa bawat sandali,
Ang kanyang alaala sa puso ko ay namalagi.
Bagamat ako ay sinaktan niya at sinawi.
Siya pa rin ang aking tinatangi at minimithi.
V
Tangan ko ang pagsintang walang katumbas,
Hindi mawawaglit kahit ako'y maubusan ng lakas.
Bagamat luha ang sa puso ko'y kanyang pinamalas,
Hindi kaya ng isipan, limutin siya't maging wakas.
VI
Saan man dalhin ng luha ang aking pag-ibig,
Itatangan ko ang alaalang niyapos ng bisig.
Siya ay mananatili sa diwa kong niligalig,
Sa isang luha ay may pusong muling pipintig.
Comments