SA ISANG SAGLIT NG ISANG SANDALI
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 2 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Nobyembre 16, 2007
I
Binitbit ng alaala ang sa puso ay nagwasak,
Itong pagkakamali ko ay sa diwa tumatak.
Kamalian kong nagawa sa akin ay humamak,
Kaya tingin ko sa sarili ako ay nasa lusak.
II
Sa isang saglit ng isang sandali,
Puso ko ay umayon ng walang pasubali.
Sanhi ng pag-aakalang sa aki'y walang sasawi,
Ang aking kahinaan ay daan ng pagkakamali.
III
Buhay ay ipinaagos sa takbo ng panahon,
Dahil takot akong mali yaring matunton.
Hindi ko akalain na ang lahat ay paghamon,
Pagpili ang kailangan sa kapalaran ay itugon.
IV
Sa isang saglit ng isang sandali,
Buhay ay hinayaan ng walang pagpili.
Nagawa ko pala ay tunay na nakakamuhi,
Sapagkat kasawian ang sa puso ay nanatili.
V
Ako ay nakipagsapalaran sa kapalaran,
Hindi ko iginiit ang aking kagustuhan.
Pusong tumitibok ay aking pinigilan,
Ang tangi kong mahal, sa puso'y pinakawalan.
VI
Sa pagharap nitong buhay ako'y 'di kumilos,
Puso ay natakot sa mundo ay magkagalos.
Sa pag-aakalang sa akin ay may yayapos,
Buhay ay binitiwan at sa tubig ay pinaagos.
VII
O kay saklap ng aking nadarama,
Puso ay naghahanap ng dating pagsinta.
Makulay na buhay ay 'di ko na rin makita,
Kasawian ko ay sanhi ng mali kong pasya.
VIII
Sa isang saglit ng isang sandali,
Puso ay nalulunod sa pamimighati.
Kasawian ang dulot nitong pagkakamali,
Tumatak sa dibdib at sa akin ay sumawi.
IX
Aking hinabol itong panahon,
Hindi ko man maibalik ang nagdaan kong noon.
Buhay ko ay iingatan sa bawat paghamon,
Sarili ko ay ikikilos sa bawat ngayon.
X
Lahat ng pagkakamali ay daan ng kamatayan,
Kung sarili'y hahayaan lingunin ang nakaraan.
Alalahanin ito na isang nagdaan,
Pagkakamali ay aral na dapat panghawakan.
XI
Sa puso ko ay tinapos itong alaala,
Tanging diwa na lamang ang nagdadala.
Kalungkutan kong nakamtan sa diwa'y 'di dusa,
Dahil sa puso'y pinalipas ang pighating nadama.
XII
Sa mali nitong aking pagkakamali,
Kamatayan ay pinangarap at sa sarili ay namuhi.
Kinimkim sa diwa ang sinisigaw ng budhi,
Puso ay hinayaan sa isang saglit ng isang sandali.
Comments