top of page
Search

SA IYONG PAGTANDA

  • Writer: Crisanta N. Cardeño-Reyes
    Crisanta N. Cardeño-Reyes
  • Sep 8, 2020
  • 1 min read

Crisanta N. Cardeño-Reyes

Agosto 11, 2011

I

Sa iyong pagtanda ay aalagaan kita,

Mga paa mong 'di mailakad ay aakayin ko aking ina.

Kung ang liwanag ay hindi mo na makita,

Ako ay iyong paningin sa ibig mong mapuna.

II

Sa iyong pagtanda ay hindi kita iiwan,

Gagabayan kita, sa liwanag at dilim ay aalagaan.

Ang galos at hirap ay hindi mo na mararanasan,

Ikaw ay kakalingain ko ng buo kong kalakasan.

III

Sa iyong pagtanda, kalungkuta'y 'di mararamdaman,

Mapupula mong labi ay kasalo ko sa tawanan.

Ikaw ay aking pangingitiin ng lubusan,

Upang ang lungkot ay sabay nating maibsan.

IV

Sa iyong pagtanda ang ligaya ay matutunghayan,

Sapagkat ang pighati ay hindi mo mararamdaman.

Bawat hampas sa iyo nitong kasawian,

Aking sasaluhin upang hindi ka masaktan.

V

Sa iyong pagtanda ang labi mo ay pangingitiin,

Ang tuwa at galak sa iyo'y aking ihahain.

Mapupungay mong mata ay 'di ko paluluhain,

Ang mapapait na alaala sa iyo'y 'di sasambitin.

VI

Sa iyong pagtanda, ikaw ay aking sasabayan,

Sa pagtayo mo at paghiga ako ay matutunghayan.

Hindi mo mararanasan ang mawalan ng sandigan,

Dahil ako ay tungkod mo sa bawat mong lalakaran.

VII

Sa iyong pagtanda, ikaw ay aking sasamahan,

Sabay natin susungkitin ang bituin at ang buwan.

Walang isang gabing hindi mo ako masisilayan,

Hindi kita iiwan kahit ako'y 'di mo na naaanigan.

VIII

Buhay ko inay ay sa iyo ko inilalaan,

Pagmamahal ko sa iyo'y 'di mapapantayan.

Bagamat ako'y paslit at walang mailalaan,

Ang bawat kong sandali ay iyong maitatangan.


 
 
 

Recent Posts

See All
SANA MAY BUKAS PA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Setyembre 1990 I Maraming katanungan ang nasa aking puso, Ang pagdapo ng pag-ibig ay hindi ko matanto. Sa...

 
 
SANA AY IKAW NA NGA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Pebrero 1990 I Sabi nila ako daw ay isang hangal, Dahil hindi daw ako marunong magmahal. Hindi nila alam ang...

 
 
AKING AMA AT INA

Crisanta N. Cardeño-Reyes 2007 I Sa simula nitong buhay, kayo ay kaagapay. Sa dusa at hinagpis ko kayo ay karamay. Ako ay inangat sa...

 
 

Kommentare


bottom of page