SA KABILANG DAIGDIG
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
1990
I
Ang malimit mong sa akin ay pagtawag,
Sa puso ko ay sadyang bumabagabag.
Bakit isipan ko ay iyong niyayakag?
Sa mundong 'di mawari at 'di maipaliwanag.
II
Ako nga ba ay may nararapat na gawin?
Upang sundin ang nadarama ng damdamin.
Ibig kong ang lahat ay aking unawain,
At intindihin ang mga dapat tantuin.
III
Bawat araw ang isipan ko ay nalilito,
Sa pangyayaring nakamtan ko at natamo.
Aking diwa sa naganap ay gulong-gulo,
May daigdig bang iba sa mundong ito?
IV
Saan kaya naroroon ang aking buhay?
Ibig ko ay tumira sa aking bahay.
Kapanatagan sa akin ay ibigay,
Upang ako ay hindi na malumbay.
V
Sa mundong ito, ako ba ay naliligaw?
Bakit sa akin ay walang tumatanglaw?
Liwanag ng buwan sa akin ay iilaw,
At yaring tama sa akin ay isigaw.
VI
Buong akala ko ay iisa ang mundo,
May daigdig pala sa ibang ibayo.
Kung sangang daan ko ay doon padako,
Sisikapin kong ligaya ay matamo.
VII
Mahirap man tukuyin yaring daan,
Lalandasin ko ang dapat lakaran.
Bagamat ako ay naguguluhan,
Sisikapin kong sarili'y matagpuan.
VIII
Sa kabilang daigdig ay naroon ang saya,
Hindi ito pansin ng ibang nakakakita.
Ang nais ng iba'y ang ibig nilang mapuna,
Sa kabilang daigdig ay mahirap makapunta.
Comments