top of page
Search

SA KANDUNGAN NG LUPA

  • Writer: Crisanta N. Cardeño-Reyes
    Crisanta N. Cardeño-Reyes
  • Sep 8, 2020
  • 2 min read

Crisanta N. Cardeño-Reyes

Abril 15, 2008

I

Isang sandali ang sa buhay ko ay pumatay,

Kumitil sa puso ko at diwang nalulumbay.

Sa hinagpis nitong puso kong walang karamay,

Aking hinangad ang sa libingan ay mahimlay.

II

Kay hirap pigilin ang papalubog na araw,

Katulad ito ng isang iglap na pagpanaw.

Pilitin ko man hatakin ang buhay ay 'di ko saklaw,

Wala akong magagawa kung 'di ang mamanglaw.

III

Walang ligayang sa puso ko ay maitutubas,

Nang ika'y naging anak, pagdurusa ay lumipas.

Ikaw ang nag-iisang sa lungkot ko ay lunas,

Bawat mong ngiti sa diwa ko ay humahampas.

IV

Pisi ng saranggola ay aking hinabaan,

Ikaw ay inaruga ng buo kong kalakasan.

Hindi ko hinayaan na ikaw ay masugatan,

Aking ibinigay ang lakas kong tinatangan.

V

Aking binalikan ang matamis na alaala,

Na kapiling ka at sa kandungan ko ay masaya.

Higit sa kaligayahan ang aking nadama,

Dahil ikaw ay anak na hinangad din ng iba.

VI

Ang buhay ko anak ay naging makabuluhan,

Pagiging magulang ko ay ikaw ang kaganapan.

Kaya ang katungkulan ay aking ginampanan,

Higit sa iyong akala ang aking inilaan.

VII

Sa galos at sugat mo ay ako ang nasaktan,

Bawat mong kabiguan ay ako ang nasugatan.

Ligaya mong nadama ay aking kinagalakan,

Pinagtagumpayan mo ay aking karangalan.

VIII

Aking anak ako ay mayroong kahinaan,

Hindi ko naibigay ang bawat mong kailangan.

Kahit may kakulangan sa aking kakayahan,

Pag-ibig ko sa iyo ay hindi mo mapapantayan.

IX

Ang araw at gabi ay sa iyo ko inilaan,

Kahit magpahinga ay hindi ko ito sinubukan.

Dahil hinangad ko ang maganda mong kapalaran,

Na iiwan ko sa iyo kung ako ay lilisan.

X

May isang pangyayaring sa buhay ay naganap,

Ikaw pala aking anak sa Diyos ay haharap.

Maiiwan mo ako sa gitna ng pangarap,

Na ikaw ay makapiling at ingatang ganap.

XI

O kay hirap banggitin ang iyong pagkawala,

Sa puso ay kumikitil ang patak nitong luha.

Hindi ko mapigil ang damdamin kong nagwawala,

Sapagkat hindi natatapos ang aking pagluluksa.

XII

Pagmasdan mo ang ulan sa ating kalangitan,

Tulad ng puso kong sa hinagpis ay luhaan.

Bawat patak ng kalungkutan ay nararamdaman,

Walang isang saglit na hindi ako nasasaktan.

XIII

Akala ko ay akong ihahatid mo sa hantungan,

Hindi ko akalain na iba ang kahahantungan.

Alam mo bang ito ang masaklap kong kapalaran,

Ang ikaw ay makitang sa lupa ay tinatabunan?

XIV

Yaring kamatayan ay hindi ko kayang pigilin,

Sa Diyos ay hiniling na ikaw ay kanyang angkinin.

Sa kandungan ng lupa ikaw ay arugain,

At ang pagmamahal ko sa iyo ay kanyang banggitin.


 
 
 

Recent Posts

See All
SANA MAY BUKAS PA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Setyembre 1990 I Maraming katanungan ang nasa aking puso, Ang pagdapo ng pag-ibig ay hindi ko matanto. Sa...

 
 
SANA AY IKAW NA NGA

Crisanta N. Cardeño-Reyes Pebrero 1990 I Sabi nila ako daw ay isang hangal, Dahil hindi daw ako marunong magmahal. Hindi nila alam ang...

 
 
AKING AMA AT INA

Crisanta N. Cardeño-Reyes 2007 I Sa simula nitong buhay, kayo ay kaagapay. Sa dusa at hinagpis ko kayo ay karamay. Ako ay inangat sa...

 
 

Comments


bottom of page