SA MULI AT MULI PA
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Agosto 31, 2003
Kung maibabalik ko lang ang panahon,
Sana ay hindi na kita tinanggap,
Sana ikaw ay akin ng kinalimutan,
Sana ikaw ay akin ng nilisan,
Sana ikaw ay akin ng tinakasan,
Sana ay nagawa ko ang lahat ng ito,
Upang ikaw ay muli kong maunawaan.
Ikaw ay inilarawan sa sariling diwa,
Mapagmahal at tunay na kahanga-hanga.
Binatas ng Diyos at iniutos ng tadhana,
Igalang ka at mahalin, sapagkat ito ang tama.
Isipan ko ay hinubog sa tamang paniniwala,
Mahalin ka at igalang pangalawa sa lumikha.
Kaya ako ay sadyang nagpaubaya,
Sumunod sa utos ng Dakilang Bathala.
Libong taon na ang lumipas,
Paniniwalang ito ay hindi kumupas.
Ngunit sa puso ko ay may biglang humampas,
Katotohanang " Pagmamahal pala ay nagwawakas."
Unang kasalanan na iyong ginawa,
Pangako sa Diyos ay ipinagwalang bahala.
Sa altar ay iyong isinumpa,
Pagmamahal ay iyong iaadya.
Subalit sa isang saglit siya ay iyong pinaluha,
Puso ay sinugatan at naghangad ka ng laya.
Pangalawang kasalanan sa supling mo ay ginawa,
Pagmamahal at aruga ay hindi mo iniadya.
Bagkus kami ay tinakasan at tinakwil na sadya,
Iniwang luhaan at sa hangin pinaubaya.
Kasalanan mo ay hindi namin nilingon,
Sa iyong pagbabalik ikaw ay ibinangon.
Dulot mong sugat ay aming pinahilom,
Upang ikaw ay matanggap ng walang paglingon.
Ngunit kami ay tunay na nagkamali,
Sa pangatlo mong kasalanan sa puso nami'y sumawi.
Natuklasan kong ikaw ay nagkukunwari,
Pagmamahal mo sa amin ay walang uri.
Pagsisisi aking nararamdaman,
Panghihinayang sa pagmamahal kong inilaan.
Nararapat sa iyo ay ibigay ang kalayaan,
Hanapin mo ang sa amin ay hindi mo natagpuan.
Magsisi man ako ay huli na,
Tanging magagawa ko ay palayain ka.
At isiping na ikaw ay hindi ko nakita,
Upang nasain ko ang muling makasama ka.
Comments