SA MUSMOS NA ISIPAN
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Marso 5, 2007
I
Tao ay nakikilala sa kanyang kamusmusan,
Bata kung ituring, galaw niya ay may katuturan.
Isipan ay naihahayag sa kilos niya ay pagmasdan,
Inuuna ay iba at hindi sariling kapakanan.
II
Ang musmos na diwa, puso niya ay may damdamin,
Pagtulong sa kapwa ang tanging niyang mithiin.
Sa bawat bagay ay hindi siya mapag-angkin,
Ibibigay niya sa iyo kahit hindi mo hingiin.
III
Ang tao ay nakikilala habang siya ay bata pa,
Sa kilos niya at galaw ay iyong makikita.
Pagmasdan mo siya at sa iba ay ikumpara,
Ang batang magilas sa gawa ay makikilala.
IV
Ubod ng tayog ang nasa diwa niya't kaisipan,
Ito ay inaabot ng talino at karunungan.
Lahat ng bagay ay kanyang pinag-aaralan,
Maging itong damdamin ng kahit sino man.
V
Musmos na bata ay hubugin sa kanyang paglaki,
Iturong lahat ang sa kanya ay makakabuti.
Sa puso at isipan niya ay itanim mong maigi,
Upang lumaki siyang mayroong mabuting ani.
VI
Ang lahat ng tama sa kanya ay banggitin,
Musmos na isipan ay kaya itong unawain.
Sabihin mo sa kanya at ito ay susundin,
Sapagkat ang mabuting bata'y likas na masunurin.
Comments