SA PALAD MO
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Marso 30, 1999
I
Yaring sarili ko ay aking pinatay,
Sanhi ng pagnanasang ako ay mabuhay.
Sa iyo o Diyos Ama ako ay mahihimlay,
At sa iyo ay ayaw kong mapahiwalay.
II
Sa palad mo ako ay iyong hawakan,
Hangad ko ay mahiga sa iyong kandungan.
Ako nawa Ama ay iyong samahan,
Sa mundo ng pakikipagsapalaran.
III
Sa palad mo ibinibigay ko ang lahat,
Ikaw ang gumabay sa pusong may lamat.
Kaligayahan ay sa iyo nagbubuhat,
Huwag ipadama ang lungkot na hindi masukat.
IV
Sa palad mo Ama ay nais kong mahimlay,
At ikaw ang sa akin ay umalalay.
Sa habag mo ako ay iyong igabay,
Nang mahawakan ko yaring aking buhay.
V
Sadya ngang ako ay puno ng kamalian,
At ito ay naging sanhi ng kasalanan.
Sa palad mo ako ay iyong ingatan,
Upang huwag mahulog sa kalupitan.
VI
Sa palad mo buhay ko ay ibibigay,
At sa piling mo ay hindi ako hihiwalay.
Buhay ko ang siyang tanging maiaalay,
Kaya iingatan ko yaring aking buhay.
Comentários