SA PILING NG IBA
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Nobyembre 10, 2012
I
Hindi ko hawak ang iyong puso,
Wala akong tangan sa iyong pangako.
Kalayaan mo ay iyong matatamo,
Hahayaan kita, saan ka man patutungo.
II
Nakita kita na taglay ang saya,
Wari bang ang langit ay nakamtan mo na.
Kasiyahan mo ay nasa piling ng iba,
At wala sa akin ang iyong ligaya.
III
Huwag mo akong aalalahanin,
Kasawian ay kaya kong tanggapin.
Itong kalungkutan ay kaya kong harapin,
Sarili ko ay inihanda sa ano mang sasapitin.
IV
Walang masasayang sa iyong paglisan,
Ang buhay ay likas na may kapalaran.
Ako ay bahagi lamang ng iyong nagdaan,
Hindi ako ang iyong bukas na itatangan.
V
Sa piling ng iba ay doon ka manahan,
Ang ating lumipas ay iyo ng kalimutan.
Tanggap ko, na ang lahat ay may katupasan,
At ang ating nakaraan ay isang nagdaan.
VI
Sa aking landas ay huwag kang babalik.
Akin ng nilimot ang pag-ibig mo at mga halik.
Pag-ibig ko sa iyo ay hindi na manunumbalik,
Sa piling ng iba ay doon ka mamanhik.
Comments