SADYANG NILIKHA
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Pebrero 1990
I
Tingnan mo ang langit sa kaitaasan,
Minsan may liwanag at may kadiliman.
Tulad ng puso, minsan ay nasasaktan,
Subalit ang kapalit ay kaligayahan.
II
Tanglaw natin ay ang liwanag ng buwan,
Sa dilim ng gabi ay may maaasahan.
Tulad ng Diyos hindi ka niya iiwanan,
At ang pag-ibig mo ay kanyang iilawan.
III
Itong batis ay may malinaw na tubig,
Kapag umalon ay iyong maririnig.
Tulad ng puso mayroong pumipintig,
Alamin mo at makikita ay pag-ibig.
IV
Ang simoy ng hangin ay hindi nakikita,
Ngunit sa pag-ihip ay iyong madarama.
Tulad ng pag-ibig kung may pagsinta,
Maipadarama kung ikaw ay kasama.
V
Sa mundong ito ay hindi dapat mag-isa,
Masdan mo ang lahat, laging may kasama.
Kaya itong pag-ibig ay may pagsinta,
Upang ihayag at sa iyo ay ipadama.
VI
Ngayon ay hindi ko iiwan ang pag-ibig,
Dahil dito nagsimula ang daigdig.
Kay Bathala lamang ako nananalig,
Sa Kanya ay natutunan ko ang umibig.
Comments