SALAMAT ANAK
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Marso 30, 2007
I
Ako ay punong-puno ng suliranin,
Sapagkat pagkakamali ay malimit gawin.
Hindi ako nag-isip sa lalandasin,
Kasawian ay natunton ng hindi pansin.
II
Pamilya ay winasak ng sariling dahilan,
Kabiyak ng puso ay aking dinungisan.
Supling na binuo sa pagmamahalan,
Buhay nila ay hindi ko napangalagaan.
III
Ako ay sinagip mo o aking supling,
Pagmamahal mo sa akin ay ibinaling.
Sugat ng puso ko ay iyong pinagaling,
Kahinaan ko anak ay hindi mo sinaling.
IV
Sa pagkukulang ko ako ay patawarin,
Nasaktan kita anak ng hindi ko napansin.
Akala ko ay ako lang ang may damdamin,
Buhay mo pala ay muntik ko ng sirain.
V
Katapangan mo ay aking hinahangaan,
Hindi ka nagpatangay sa kapighatian.
Ipinaglaban mo ang tama at katwiran,
At tinuruan mo akong ang mali ay talikdan.
VI
Salamat anak sa iyong pang-unawa,
Buhay ko ay niyapos ng buo mong laya.
Pag-asang inihain sa akin ay biyaya,
At yaring aking diwa ay napayapa.
VII
Ikaw aking anak ang tangi kong pag-asa,
Na sasagip sa puso kong nagdurusa.
Bagamat nasaktan kita sa tuwina,
Pagsisisi ko'y dinggin mo kahit huli na.
VIII
Sa iyong paglalakbay ako ay lingunin,
Kahit saglit ako ay iyong hipuin.
Kahit ikaw ay malayo na sa akin,
Tanging hangad ko ako ay alalahanin.
IX
Hanggang sa kahuli-hulihang hininga,
Pangalan mo ay babanggitin ko sa tuwina.
Dahil ikaw anak ang tangi kong ligaya,
Hiniling sa Diyos na huli kong makita.
X
Pagpapala anak ay iyong matatamo,
Sapagkat kinalinga mo ang isang tulad ko.
Ikaw ang bumuo sa aking pagkatao,
Buhay ko ay may saysay ng dahil sa iyo.
Comments