SALING
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Disyembre 14, 2013
I
Sinuong ko at binaybay ang bawat kong madaanan,
Pinulot ko't iningatan ang yamang natatagpuan.
Bawat paghihirap ay pikit mata kong nilabanan,
Upang ang yaman ay 'di makuha nino man.
II
Pinaghirapan ko ang aking tangan-tangan.
Karukhaan man, ito sa akin ay isang kayamanan.
Wala akong inangkin na hindi ko pinagpaguran,
Yagit man maituturing ito'y aking karangalan.
III
Lumaban ako sa takbo nitong buhay,
Aking ibinuhos ang lakas kong tinataglay.
Wala akong pasakit na sa tao ay ibinigay.
Ako ay tumugon sa ligaya at lumbay.
IV
Kapos man ako sa itinuturing na yaman,
Ito ay hindi makakasaling sa aking katauhan.
Hanggat kilala ko ang sariling kakayahan,
Ako ang yaman ng aking kayamanan.
V
Sa aking paligid ako ay tinuya,
Nitong mga diwang walang magawa.
Ako ay tinanong kung sa yaman ay wala,
Tugon ko ay isang luhang sa dibdib ay kumawala.
VI
Aking kalooban sa diwa ko ay lumaban,
Pagkahabag sa sarili ang aking naramdan,
Bagamat batid ko ang aking kaisipan,
Puso ko ay lumuha at hindi ko napigilan.
留言