SALISI
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 2 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Pebrero 15, 2011
I
May isang silid akong pinuntahan,
Doon ay nakita ko ang isang luhaan.
Hagulgol ng puso niya ay aking napakinggan,
Ang daloy ng luha sa kanya ay kasawian.
II
Wala siyang kasama ng aking nakita,
Hindi rin niya pansin ang aking pagpunta.
Pinakinggan ko ang bawat iyak niya,
At ang dusa sa puso niya ay aking napuna.
III
Sabi niya sa hangin siya daw ay bigo,
Kasawian sa pag-ibig ang kanyang natamo.
At bawat pangarap na kanyang sinuyo,
Lumisan ito at sa kanya ay nagtago.
IV
Pilit ko siyang kinakausap,
Upang iharap ang bagong pangarap.
Ngunit ako'y nabigla sa isang naganap,
Putok ay narinig at siya sa akin ay humarap.
V
Aking hinabol ang kanyang hininga,
Pinakinggan ko ang bawat sasambitin niya.
Isang kamalian daw ang kanyang nagawa,
Buhay niya ay winakasan ng hindi sinasadya.
VI
Nang maisip niya ang kanyang kahalagahan,
Huli na ang lahat sa isang kaganapan.
Nasalisihan daw siya nitong kamatayan,
At 'di na mababawi, buhay niyang winakasan.
VII
Ang anyo niya ay aking tinitigan,
Kinagulat ko ang lahat sa isang natuklasan.
Sarili ko ay nakita na isang duguan,
At ang hinabol kong hininga ay malalagutan.
VIII
Nakahandusay ako ng ang sarili'y aking nakita,
Pilit akong bumabangon subalit huli na.
Hininga ko ay napatid sa mali kong pasya,
Kalungkuta'y natakasan ngunit 'di ang pagdurusa.
IX
Kung maibabalik ko sana ang pagkakamali,
Sa kalungkutan sana ako ay hindi nanatili.
Iniwasan ko sana ang sa sarili ay mamuhi,
At ang kasawian ng puso ko sana ay hinawi.
X
Kasalanan ko sa Diyos sana ay mapatawad,
Sana'y naririnig, kahilingan kong hinahangad.
Na ako ay patawarin at yapusin ng palad,
Sa aking kamalian, pag-ibig niya sana ay igawad.
XI
O bakit kailangan ito ang mangyari?
Hinarap ko sana ang aking pagkasawi.
Sa lungkot ng buhay sana ako ay hindi nanatili,
Upang aking naiwasan ang sa sarili ay mamuhi.
XII
Sa silid na iyon ako ay lumabas,
Nag-iiyakang mga puso sa akin ay humampas.
Nagsasabing sana ako ay naging malakas,
Upang sila ay makasama ko hanggang wakas.
Comments