SALITA
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Mayo 1992
I
Ang mga salita ay wari bang mga hula,
Mga wikang naglalahong parang mga bula,
Namumutawi sa labi ay pawang mga katha,
Isang guni-guning isipan ang lumikha.
II
Maraming pangako ang salitang binitiwan,
Bukas, makalawa, ito ay malilimutan.
Agad na mapapawi ang bawat nagdaan,
Alaala na lamang ang siyang maiiwan,
III
Salita mo ay iyong panghawakan,
Tuparin ang pangako na iyong binitiwan.
Huwag mong hahayaan ang iba ay masaktan,
Nitong mga kataga mong hindi mapanindigan.
IV
Huwag ng sabihin ano man ang nasa puso,
Ipadama ito upang mapagtanto.
Ang hangin ng labi ay mapagbalatkayo,
Sumusugat sa damdaming mapanibugho.
V
Ang bawat salita ay hindi makatotohanan,
Binigkas ng labi ay hindi kayang panindigan.
Tulad ng pangako na binigkas at binitiwan,
Ngunit ito ay walang daang patutunguhan.
VI
Nakakasakit lamang ang bawat salita,
Sumusugat sa puso at gumugulo sa diwa.
Kay hirap maarok ang hindi maunawa,
Isipan at damdamin ay lubhang nababahala.
Comentarios