SAN MIGUEL IKAW BA IYAN?
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 2 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Hunyo 1990
I
Bahid ng kahapon ay aking naalala,
Mga nakalipas na nagdulot ng ligaya.
At minsan pa itong nagbigay ng pag-asa,
Sa aking pusong takot at nangangamba.
II
Ako ay tumawag sa poong maykapal,
Hiling ko sa kanya ay gawin akong banal,
Dahil dito ay iniwasan ko ang bawal,
At sinikap kong abutin ang aking dasal.
III
Ngunit ang mundo ay sadyang mapagkunwari,
Puno ng tukso at dilim ang naghahari.
Dito si kamatayan ay mananatili,
Kung hindi lalaban ang ating mga budhi.
IV
Pilit kong tinakasan ang mundong ito,
Tumungo ako sa landas na malayo.
Hinanap ko ang sa akin ay hahango,
Subalit ang daan ay hindi ko matanto.
V
Ngayon ko nadarama ang pamamanglaw,
At sa puso ko ay takot ang pumupukaw.
Pakiwari ko ang daan ko ay naligaw,
Sapagkat ang bukas ay hindi ko matanaw.
VI
Hindi ko na inihakbang itong mga paa,
Wari bang may takot akong nadarama.
Sapagkat si kamatayan ay aking nakita ,
Sa landas kong tinatahak ay hadlang siya.
VII
Lumapit ako sa Diyos na nagsugo,
Hiling ko sa kanya ako ay itago.
Kay kamatayan ako nawa ay ilayo,
At sa landas ko ito nawa ay maglaho.
VIII
Habang nakatingala ako sa langit,
May isang batang sa akin ay lumapit.
Niyakap niya ako ng napakahigpit,
At sa puso ko ay may siglang gumuhit.
IX
Ang batang ito sa akin ay umakay,
Niyakag akong ituloy ang paglalakbay.
Hawak-hawak niya ang aking mga kamay,
Tutungo daw kami sa tunay na buhay.
X
Wika ng bata ako daw ay mapalad,
Dahil kahilingan ko daw ay matutupad.
Sabi niya ituloy ko ang paglakad,
Makakamit ko daw ang aking hinahangad.
XI
Ang hawak kong bata ay aking tinitigan,
Tila nagbabago ang kanyang katauhan.
Siya ay nagkapakpak sa kanyang likuran,
At sa kanang kamay ay may espadang tangan.
XII
Nang mga sandaling iyon ako ay nabigla,
Ang hawak kong bata ay biglang nawala.
Lumisan siya na parang isang bula,
At dahil dito mata ko ay napaluha.
XIII
Tumakbo ako patungo sa dambana,
Umiiyak ako sa harap ni Bathala.
Hindi ko mapigil ang pumapatak na luha,
Sapagkat hindi ko kayang ang bata ay wala.
XIV
Biglang napawi ang aking pangamba,
Nang may marinig akong tinig ng bata.
Lumingon ako ngunit hindi ko nakita,
Hinanap ko ngunit siya ay wala na.
XV
Sa puso ko ay biglang mayroong pumintig,
May nagsasalitang mahiwagang tinig.
Inalam ko ang ibig ipahiwatig,
Wika ng bata, ako daw ay makinig.
Comments