SAPAT NA
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Enero 2002
I
Hindi ako humihingi ng kahit ano,
Ni nanlilimos ng pagmamahal sa kahit sino.
Sapat na ang aking pagkatao,
Para ako ay makuntento.
II
Isinaksak ko na ito sa aking isipan,
At sa puso ko ay akin ng ipinagsiksikan.
Na ako ay walang panghahawakan,
Na magmumula sa kahit kanino man.
III
Walang pagmamahal na sa akin ay ilalaan,
Ipinadarama sa akin ay panandalian.
Kaya pinilit kong ang lahat ay pagsikapan,
Sapagkat sa iba ay wala akong maaasahan.
IV
Lahat ng bagay sa akin ay sapat na,
At hindi na kinakailangan sa iba ay umasa.
Pawang pighati lang ang aking madarama,
Sa pag-abot ng kamay ay may sumbat pa.
V
Upang ako ay walang pagsisihan,
O mangsisi ng kahit sino man.
Minabuti kong sarili ay panindigan,
At mag-isa sa mundong kinagagalawan.
VI
Damdamin ng iba ay aking hinayaan,
Titigan ako kung paano nila tingnan.
Ano man ang nakasaksak sa kanilang isipan,
Ito ay hindi ko na sasaklawan.
コメント