SARANGGOLA
- Crisanta N. Cardeño-Reyes
- Sep 8, 2020
- 1 min read
Crisanta N. Cardeño-Reyes
Abril 2000
I
Buhay ay hiram at panandalian,
Dapat sa mundon ay bigyan ng kahalagahan.
Pagkahawakan ito at pagkaingatan,
Sapagkat ang buhay ay saglit lamang.
II
Ikaw ay nakarating sa hinangad mong tuktok,
Hiniling sa langit upang ikaw ay mapaluklok.
Nasadlak ka sa maraming dagok,
Iyan ang kapalit ng tubig mong nilalagok.
III
Saranggola ka man na sa alapaap ay tumatayog,
Babagsak ka rin at sa lupa ay lalagabog.
Kaya damhin mo ang bawat hamog,
Samantalahin ang araw sa pagsabog.
IV
Sa iyong pagtayog ay huwag ka sanang bumagsak,
Baka sa iba ay makarinig ka ng halakhak.
Yaong kapalaran ay hindi mo hawak,
Kaya ang mabababa ay huwag mong hinahamak,
V
Matayog ka ngayong nakararating sa langit,
Dadamhin mo rin kung ano ang pait.
Sapagkat ikaw ay naging malupit,
Mga wika mo sa iba ay isang hagupit.
VI
Hindi mo iginagalang ang damdamin ng iba,
Kagustuhan mo ang siyang tanging mahalaga.
Sarili mo ay laging ikinukumpara,
Sa mga taong tingin mo ay abang aba.
VII
Totoong nakakalunod ang hangin sa himpapawid,
Kaya huwag kang makakalimot sa iyong paligid.
Sikapin mong ang lahat ay iyong mabatid,
At sa luha ng iba ay ikaw ang magpahid.
Comments